Nanawagan si Sen. Leila M. de Lima ng masusing imbestigasyon ukol sa implementasyon ng emergency subsidy program ng pambansang gobyerno para tugunan ang krisis na dulot ng COVID-19.
Nitong Abril 27, inihain ni De Lima ang Senate Resolution (SR) No. 367 na layong tukuyin ang mga kalituhan at hinaing sa pagpapatupad ng nasabing programa, partikular na ang pamamahagi ng 200 bilyong pisong social amelioration fund para sa 18 milyong mahihirap na kabahayan na lubos na apektado ng krisis.
“Milyon-milyon nating kababayan ang hindi pa rin nakatatanggap ng emergency subsidy. Anong petsa na? Isa’t kalahating buwan na silang nakikipagbuno sa gutom at nakikipagpatintero sa COVID-19, pero ang ayuda, wala pa,” pahayag ni De Lima.
“Kailangang magpaliwanag ang DSWD kung bakit napakabagal ng usad ng pamamahagi ng pondo at mailatag ang plano para matugunan ito,” dagdag ng Senadora.
Sa ilalim ng social amelioration, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng 5,000 hanggang 8,000 libong piso kada buwan para matustusan ang kanilang pangangailangan.
Subalit nagdulot ito ng sari-saring isyu at reklamo sa lokal na gobyerno dahil sa kawalan ng malinaw na patakaran at magkakasalungat na pahayag mula sa pambansang pamahalaan. Marami ang umasa pero wala sa listahan ng mga benepisyaryo.
“Kung walang kita at hindi agad makatanggap ng ayuda, talagang hindi maiiwasan ng iba na lumabas para kahit paano ay dumiskarte para makakain ang pamilya. Pero sa kasawiang palad, imbes na sitahin lamang, may mga inaabuso at binubugbog pa. Nasaan ang hustisya?” ani De Lima.
“Bayanihan, hindi burukrasya. Ayuda, hindi bala, ang kailangan para malampasan ang krisis na ito”, saad ng mambabatas mula sa Bicol.
Mungkahi pa ni De Lima, maaaring mapabilis ang proseso kung isasaalang-alang ng DSWD at ng IATF ang epektibong paggamit ng Listahanan ng DSWD, kung pagbabatayan ang listahan ng mga kwalipikadong kabahayan sa TRAIN law refund ng DOF, pati na ang pagtangkilik ng “pay now, verify later scheme” kaakibat ang pakikipagtulungan ng komunidad at telecommunication companies. (30)