Sa ika-72 Anibersaryo ng Partido Liberal

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Malingap, Quezon City

19 Enero 2018

Malugod kong binabati ang lahat ng mga pinuno at kapwa miyembro ng Partido Liberal ng Pilipinas sa pagdiriwang ng ika-72 anibersaryo.

Sa mahigit pitong dekada, pinanday ng mabibigat na hamon at pagsubok sa ating bayan ang Partido Liberal. Sa panahon man ng kadiliman at mapaniil na pamahalaan, nariyan ang LP at ang mga naninindigang miyembro nito upang ipagtanggol at ipaglaban ang ating kalayaan, demokrasya at mga karapatan.

Sa nakalipas na isa’t kalahating taon, muling sinusubok ng kasaysayan ang paninindigan hindi lamang ng ating partido, kundi maging ng sambayanan. Sa pananahimik at pagwawalang kibo ng marami nating pinuno at kababayan, lalong sinasagad ng kasalukuyang gobyerno ang pagyurak sa ating Saligang Batas at pagtapak sa ating karapatang pantao. Pinatay ang libo-libong maralita sa ilalim ng “War on Drugs” at walang habas ang pag-tokhang sa ating sistemang pangkatarungan. Ipinakulong ang inosente, kinakasuhan ang mga kontra sa kanilang baluktot at pansariling agenda, habang panay ang proteksyon, pagkunsinte at pabuya sa mga kasangkapan ng mala-diktador na pamamahala.

Maging lunsaran sana ang pagdiriwang na ito sa higit pang pagbibigkis ng ating partido at sa pagtataguyod ng makabuluhang transpormasyon upang higit na maisabuhay at mapatibay ang ating mga batayang prinsipyo. Higit pa sa ating pagiging “dilawan”, higit pa sa hawak nating katungkulan o kapangyarihan, Pilipino tayong may obligasyon at nagmamalasakit sa kapwa Pilipino; Pilipino tayong nagnanais na maibalik ang ating pambansang dangal.

Muli, isang makahulugan at maligayang pagdiriwang sa ating lahat.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.