Respeto, hindi insulto, ibigay sa frontliners! – De Lima

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Kinondena ni Sen. Leila M. de Lima ang naiulat na pagpapapirma ng waiver sa mga volunteer medical personnel na nagsasabing walang anumang pananagutan ang Department of Health (DOH) sakaling mahawa sila ng COVID-19 habang nagtatrabaho.

Ito ay matapos ding mabatikos ang DOH sa pag-aalok lamang ng limandaang pisong (P500.00) arawang allowance para sa mga volunteer health professionals, na itinuring ng marami na insulto sa mga frontliners na itinataya ang buhay sa krisis.

“Walang frontliner ang dapat mamatay sa serbisyo! Hindi nila kailangang mamatay para maituring na bayani. Balewala ang mga papuri kung hindi naman ipinaparamdam sa kanila ng gobyerno ang tunay na pagkalinga,” pahayag ni De Lima.

“Mas maipapakita natin ang respeto at pagpapahalaga sa sakripisyo ng healthworkers sa pagbibigay ng makatwirang kompensasyon, hazard pay, sapat na supply ng PPEs, at health and life insurance. Nasa isang digmaan tayo ngayon para magligtas, hindi para magbuwis pa ng karagdagang buhay,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay De Lima, hindi na sana ito magiging isyu kung agad na pinunan ng kagawaran ang libo-libong bakanteng plantilla positions para sa mga healthworkers upang maipagkaloob sa kanila ang tamang sweldo at benepisyo.

Matatandaan din na dahil sa kakulangan ng supply, ilan sa mga health workers ang gumawa na lang ng sariling PPEs gamit ang mga garbage bag.

“Napakatindi ng hinaharap nating krisis kung saan libo-libo na ang dinapuan ng impeksyon, at daan-daang buhay na ang inangkin ng COVID-19. Kung patuloy na kukupad-kupad ang gobyerno, marami pang buhay ang mawawala,” giit ni De Lima.

Sa kasalukuyan, dalawampu’t isang (21) doktor na ang naiulat na nasawi sa pakikipaglaban sa COVID-19, at isa sa mga itinuturong dahilan dito ang mabagal na pagkilos ng gobyerno sa pagbibigay ng kinakailangang gamit at proteksyon sa mga ospital.

Umabot na sa 5,878 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 387 ang naiulat na namatay, habang 487 naman ang gumaling sa sakit. (30)

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.