Pahayag ni Sen. Leila M. de Lima sa pag-abswelto sa kanya at sa pagbasura ng Korte sa isa niyang kaso (17 Pebrero 2021)

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Ikinalulugod po natin ang pag-abswelto sa akin at pagbasura ng  Korte sa aking kaso sa Criminal Case No. 17-166.

To be acquitted even in just one case, in the time of Duterte, is a moral victory.

Na-deny man ang ating Demurrer to Evidence at Motion for Bail sa Criminal Case No. 17-165, naniniwala ako at ang aking mga abogado na mahina ang ebidensya ng gobyerno dito para patunayan ang mga gawa-gawa nilang paratang.

Ano ba ang ebidensya na ipinresenta ng gobyerno? Himayin natin.

Ang kaso laban sa akin ay conspiracy to engage in illegal drug trading. Pero ang lumabas sa mga pagdinig, walang ebidensya ng kasunduan. Walang kahit isang testigo na nagpatunay na ako at ang aking kapwa akusado ay nakipagsabwatan sa mga drug lords para maglako o magbenta ng ilegal na droga sa Bilibid.

Sa katunayan, kahit isang testigo ng Prosecution, lalo na yung mga sinasabi nilang drug lord, itinatanggi nila ang pagiging drug lord. Sila mismo ang nagsabi sa Korte na hindi sila drug lord.

Hindi lang yan. Bukod sa aminado silang hindi sila drug lord, sinasabi rin ng mga testigong ito na wala silang ugnayan, ilegal na transaksyon sa akin o personal knowledge sa mga ibinibintang laban sa akin.

Ito lang din ang katangi-tanging mga kaso tungkol sa droga na kahit isang butil o gramo ng droga, ay walang naipresenta.

Ibig sabihin, puro laway lang ang basehan.

Sa Case 17-165, napatunayan lang na hindi ito tungkol sa droga. Tungkol ito sa talamak na katiwalian sa BuCor, sa pagbibigay ng pera o suhol sa mga opisyal na gaya ni dating BuCor OIC Rafael Ragos, para maprotektahan at maibalik sa mga Bilibid inmate ang kanilang mga pribilehiyo, na siya mismong ipinatigil ko bilang Justice Secretary noon.

Wala ring napatunayang pera, ni isang kusing, na napunta sa akin mula sa bentahan ng ilegal na droga. Puro tsismis. Puro haka-haka lang.

Pag-aaralan ko at ng aking mga abogado ang naging desisyon ng Korte sa Criminal Case No. 165, at maghahain tayo ng motion for reconsideration.

Uulitin ko: Ang labang ito ay hindi lang personal kong laban, kundi laban ng sambayanan.

Mula’t sapul, ang mga kasong ito ay ginagamit lamang na paraan para patahimikin ako at gambalain ang aking paglilingkod sa bayan bilang Senador, sa paglaban sa kawalang hustisya at pagtataguyod ng karapatang mamuhay nang marangal at may dignidad ng ating mga kababayan, lalo na ang maralita. Subalit mula noon hanggang ngayon at sa darating pang mga araw, hindi ko hinayaan at hahayaang magtagumpay ang ganitong taktika.

Tuloy-tuloy pa rin ang paghahain ko ng mga batas at pagsusulong sa aking adbokasiya, lalo na ang karapatang pantao, demokrasya at pangingibabaw ng batas. Tuloy-tuloy pa rin po ang ating pagtatrabaho. Maraming salamat sa tulong ng lahat ng ating mga katuwang na sektor at maaasahang mga kasamahan, naisabatas natin ang 4Ps Act at ang Magna Carta of the Poor. Ilan lang po iyan sa mga batas na isinulong at patuloy nating isinusulong para sa kapakanan at karapatan ng mahihirap nating kababayan lalo na sa panahon ng pandemya.

Hindi ko nga po maiwasang isipin, kung gaano pa kaya karaming batas na gaya nito ang kaya nating maitaguyod nang magkakasama kung hindi ako nakakulong at wala nang mga kasong humahadlang sa aking pagtatrabaho?

Kung hahayaan ng sistema na baluktutin ng mga nasa kapangyarihan ang batas para ikulong ang isang inosenteng Senadora, ano pa kaya ang gagawin nila sa mahihirap at walang kalaban-laban? To jail one innocent person—whoever they may be—is an insult to every Filipino who deserves a better government, and an assault on the future of our country.

Nananatili akong matatag: Patuloy sana ninyo akong ipagdasal, patuloy tayong manalangin na mangibabaw ang hustisya.

Laban lang. Kasama natin ang Panginoon, nasa panig natin ang katotohanan at katarungan. ###

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.