On the launching of “Buwan ni Leila”

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Senate of the Philippines

14 February 2018

Sa kapwa ko kababaihan at mga kababayang nakikipaglaban para sa katarungan, katotohanan at demokrasya, isang mapagpalayang araw po sa inyong lahat.

Labis akong nagpapasalamat sa inyo na nagsama-sama ngayon para sa paglulunsad ng “Buwan ni Leila” upang markahan ang nakalipas na isang taon mula nang arestuhin ako at ipakulong nang walang katwiran ng rehimeng Duterte. Isang taon ng panggigipit. Isang taon ng pagyurak sa aking pagkatao at pagkababae. Isang taon ng kasinungalingan at pagtapak sa karapatan ng inosente. Isang taon ng kawalang hustisya.

Isang taon ng pangungulila. Pangungulila sa aking mga anak, mga apo, lalo na sa aking ina, na hanggang ngayon, hindi pa rin alam ang aking sitwasyon upang hindi na makasama pa sa kanyang kalusugan. Isang taon ng lalong pagkalapit sa ating Panginoon.

Despite the many challenges, I remain strong and hopeful. Through my faith in God, and through your unwavering support, my spirit remains high and unshakeable. This regime may limit my actions and freedom, but they can never restrain me from being truthful to my words and principles. Maipakulong man nila ako, hindi ko kailanman isusuko ang aking mga ipinaglalaban. I will never be silenced. Paulit-ulit ko pong sinasabi ito.

Ilang araw po mula ngayon, gugunitain na rin ng sambayanan ang anibersaryo ng mapayapang rebolusyon sa EDSA—ang pagkakaisa ng mga Pilipinong hinangaan ng buong mundo—para wakasan ang diktadurya at mapayapang mapanumbalik ang demokrasya.

Malinaw ang aral sa kasaysayan: Ang katarungan ay pinaghihirapan. Hindi basta na lang lalabas ang katotohanan mula sa patong-patong na kasinungalingan kung walang maglalakas ng loob na ito’y ipaglaban. Mananatili ang dilim kung patuloy na matatakot, masisindak, at watak-watak ang mga may kakayahang magpa-ningas ng liwanag. Huwag nating hayaan ang ilan na nagnanais burahin ang diwa ng People Power na muling maghari-harian sa ating bayan. Huwag nating hayaang mawala ang mga biyaya ng EDSA: demokrasya, pangingibabaw ng batas, at pagsaalang-alang sa kapakanan ng lahat maging ng mahihirap at naisasantabi.

Nananalig ako, na gaano man kabigat ang pagsubok na aking pinagdadaanan ngayon, gaano pa man katagal ang aking paghihintay, darating din ang panahon na makakamit ko ang hustisya. Subalit higit pa sa aking paglaya, mas hangad ko ang tuluyang paglaya ng sambayanang Pilipino mula sa siklo ng kawalang katarungan at pag-abuso sa kapangyarihan, gayundin ang pangingibabaw ng malasakit at pagmamahal sa Inang Bayan.

Maraming salamat po.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.