“Mamamatay akong hindi man lang makikita ang ningning ng bukang-liwayway sa aking Bayan. Kayong mga makakakita, salubungin ninyo siya at huwag ninyong kalimutan ang mga taong nalugmok sa dilim ng gabi.”
Ito ay kataga ni Elias, isang tauhan sa nobelang Noli Me Tangere na isinulat ni Gat Jose Rizal. Ang sinapit ni Elias ay katulad ng libo-libong Pilipinong naging biktima ng pagmamalupit at pagpatay ng mga Guwardiya Sibil sa ilalim ng pamahalaang Kastila. At gaya ng inakda niyang tauhan, si Gat Rizal ay pinaslang nang dahil sa pagmamahal sa Inang Bayan at sa hangaring imulat ang mga Pilipino sa pagmamalabis ng nasa kapangyarihan. Pareho sila ni Elias ng kapalaran: Hindi na nila naabot ang isang tunay na malaya, patas, at makatarungang bayan.
Sa paggunita natin ngayong araw sa kadakilaan at kabayanihan ni Gat Rizal, inaanyayahan ko kayong magnilay sa aral na iniwan ng ating Pambansang Bayani. Tayong nakakita ng liwanag mula sa madidilim na kabanata ng ating kasaysayan; tayong nabiyayaan ng pagkakataong makapagsarili; tayong tumatamasa ng kalayaang diniligan ng dugo at ibinunga ng sakripisyo ng mga bayaning Pilipino, ay may tungkuling pangalagaan ang Inang Bayan, upang hindi na muli pang pagharian ng mga ganid at lasing sa kapangyarihan.
Tandaan sana natin: Hangga’t may nagbubulag-bulagan sa katotohanan, magpapatuloy ang panlilinlang at pang-aabuso ng ilan; hangga’t marami ang nananahimik, laging mangingibabaw ang takot at dahas. Ilang Rizal o Elias pa kaya ang mapapatay, ilang musmos o inosenteng sibilyan pa ang madadamay, bago tayo kumilos at mahinto ang karahasan sa ating lipunan?
Bilang Pilipinong nagmamahal at nagmamalasakit sa kapwa at bansa, isabuhay natin ang prinsipyong itinaguyod ni Gat Jose Rizal at ng marami pa nating bayani. Ipagtanggol natin ang kalayaang hindi man nasilayan ng mga nauna sa atin, ay siya namang buong tapang nilang ipinaglaban, upang maipamana sa atin ang isang makatarungan at mapayapang kinabukasan.