MENSAHE SA PULONG-BALITAAN NG SALINLAHI ALLIANCE FOR CHILDREN’S RIGHTS

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Isang malugod na pagbati mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame kung saan ako ay di-makatarungang ipinakulong sa nakalipas na 709 na araw.

Nakakulong man, at limitado ang mga galaw, hinding-hindi naman ako mananahimik sa mga kabuktutan ng kasalukuyang gobyerno, lalong-lalo na sa kaliwa’t kanang isyu ng karahasan, patayan, korapsyon, pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao.

Kabilang na nga rito ang pagpapabalik sa ROTC bilang rekisitos sa mga estudyante, at pagpapababa sa Minimum Age of Criminal Responsibility.

Samantalang pinag-aaralan pa ng aming tanggapan ang panukalang mandatory ROTC, nakababahala po ang biglaang paglusong nito na tila walang pagsangguni sa taumbayan, lalo na sa mga kabataang maapektuhan. Kung nasa tamang edad na sila para piliting mag-ROTC, siguro naman ay nasa tamang edad na rin sila para pakinggan ang kanilang mga saloobin at agam-agam – lalo na ang agam-agam na gagamitin rin ng gobyernong ito ang mga kabataan sa paglaganap ng karahasan at pagsupil sa mga kritiko at kalaban ng administrasyon.

Sa issue naman ng pagbaba ng minimum age of criminal responsibility, hindi ko nga po lubos maisip kung ano bang basehan nila para sa ganitong mga panukala. Ang malinaw: Sumusunod lang ang karamihan sa mga mambabatas sa kumpas ng isang tao, na walang pakialam sa kapakanan ng kabataan, maging sa mga maralita nating kababayan. Niraratsada nila ang pagpapatupad ng mga batas sang-ayon sa utos ni Duterte, na siya mismong nagpapapatay ng tao, ginagawang biro ang rape, at itinuturing na collateral damage ang mga batang napapaslang sa pekeng War on Drugs.

            Nananawagan ako sa ating mga kapwa mambabatas na suriin ang malawak na epekto ng mga isinusulong nilang batas, lalo na para sa ating kabataan. Gabay ang kailangan ng mga bata, hindi kamay na bakal na magtutulak sa kanila para lalong maging kriminal. Tulong ang kailangan ng mga batang naliligaw ng landas, hindi pagpapakulong sa kanila na tuluyang magsasara ng pinto ng pagkakataon para sa pagbabagong-buhay at maayos na kinabukasan.

            Sa halip, mas maiging tutukan ng gobyernong ito ang pagtigil sa kultura ng karahasan, paglabag sa karapatan, at kawalang pananagutan na umiiral sa ating bansa ngayon. Itaguyod natin ang de-kalidad na edukasyon at tamang disiplina upang mabigyan sila ng sapat na kakayahang makilahok sa pagpapaunlad ng sarili, ng pamilya, at ng kalakhang bansa.

Isang mapagpalayang araw po sa inyong lahat!

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.