MENSAHE SA PAGPAPASINAYA NG MONUMENTO NI KA PEPE DIOKNO

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Napakahalaga ng pagtitipon nating ito hindi lamang para sa pamilya ni Jose “Ka Pepe” Diokno kundi maging sa sambayanang Pilipino.

Kaakibat ng pagpapasinaya sa bantayog na ito ni Ka Pepe ay ang pagpupugay at pasasalamat natin sa kanyang malaking ambag sa pagsusulong ng demokrasya at sa di-matatawarang pagtataguyod ng karapatang pantao. Sa pagtatayo ng monumento niya, itinitindig din natin ang ipinaglaban niyang mga prinsipyo: Kalayaan ng bansa, dignidad ng bawat isa, katurangang panlipunan, at karapatang pantao para sa lahat.

Ngayon, muling nababalot ng dilim ang bansa dulot ng karahasan, patayan at pang-aabuso sa kapangyarihan. Ano nga bang aasahan natin sa isang Pangulo na walang pakialam sa pagpatay sa mahigit 13,000 Pilipino, at nais magpatuloy ang pagpatay ng 32 katao kada araw, kabilang ang mga batang walang kalaban-laban? Paano makakamit ang tunay na pagbabago kung ang mismong gobyerno ay sinasagasaan ang ating mga karapatan, pinatatahimik ang mga kritiko, nagkakalat ng kasinungalingan, sinusupil ang malayang pamamahayag, at pilit tinatanggal ang piring ng katarungan? Paano mawawakasan ang katiwalian sa ating bayan kung pinapalaya ang mga may matibay na kaso ng korupsyon at pandarambong, at sa halip na imbestigahan ang mga kaalyado at kamag-anak ay pilit pa silang pinagtatakpan at pinoprotektahan ng pamahalaan?

Malinaw sa ating Konstitusyon: Ang sambayanan ang bukal ng lahat ng kapangyarihan. Patuloy na dumadami at lumalakas ang ating panawagan: Tama na ang pagpapakulong sa mga inosente. Tama na ang panggigipit ng mga inosente. Higit sa lahat, tama na ang pagpapapatay ng mga inosente!

Sa pagtanaw natin sa bantayog ni Ka Pepe Diokno, ginugunita din natin ang kanyang mga nagawa at mabuting halimbawa. Tayo nang ipagtanggol ang hustisya at demokrasyang ipinaglaban niya at ng lahat ng Pilipinong nagmamahal sa kapwa at bansa.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.