MENSAHE SA PAGGUNITA NG UNDAS

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Kasabay ng paggunita natin sa Undas ay ang pag-alala natin sa mga yumaong mahal sa buhay. Pagkakataon ito para magsama-sama ang pamilyang Pilipino; gaano man kalayo, nagpupunta tayo sa kanilang mga himlayan upang ipagdasal at magbigay-galang sa mga sumakabilang-buhay.

Subalit alam din natin na ang panahon ng Undas ay malaking hamon  para sa marami nating kababayan na hindi pa tanggap ang biglang pagkawala ng mga kapamilya, kaanak o kaibigan—silang hindi pa maituturing na “namayapa” dahil sa sinapit na trahedya o di-makatarungang pagkamatay.

Isama po sana natin sila sa ating mga panalangin: ang mga magsasaka na pinaslang habang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupang sakahan; ang mga mga abogado, pari at tagapagtanggol ng karapatang pantao na pinatay dahil sa pagkondena sa mga pang-aabuso at pabibigay-boses sa api at maliliit; ang mga mamamahayag na tuluyang pinatahimik dahil sa pag-uulat at pagsisiwalat ng totoo; ang libo-libong mahihirap na Pilipino, pati na ang mga walang kalaban-laban at inosenteng bata, na biktima ng madugo at palpak na War on Drugs ng gobyerno.

Ang nagpapapatuloy pa ring karahasan at araw-araw na patayan sa ating bayan ay nagpapanumbalik sa matinding sakit na nararamdaman ng bawat naulilang asawa, anak, kapatid at magulang. Ngayon pong Undas, ipagdasal at ipaglaban po natin ang katarungan para sa kanila upang makamit ng mga yumao at ng kanilang mga naiwan ang tunay na kapanatagan at kapayapaan. 

Isang ligtas at makahulugang paggunita ng Undas sa ating lahat.

LEILA M. DE LIMA

PNP Custodial Center, Camp Crame

1 Nobyembre 2019

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

[email protected]

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.