Kaisa ang sambayanan, sama-sama po nating ginugunita ang panahon ng Undas bilang pagbibigay-galang at pag-alala sa ating mga yumaong mahal sa buhay.
Ang panahon ng Undas ay panahon ng pagsasama-sama ng pamilyang Pilipino. Mula sa pagtitirik ng kandila sa tapat ng tahanan hanggang sa pagdalaw sa sementeryo, gaano man ito kaliblib o kalayo, ipinapakita natin ang ating respeto sa mga pumanaw. Tanda ito: hindi man natin sila kapiling at kasama, nananatili sila sa ating alaala.
Ngunit naiba na nga po ang paggunita natin ngayon ng Undas. Ngayon, hindi na lang natin inaalala ang mga namatay, kundi maging ang mga pinatay nating kapamilya at kababayan dahil sa madugong kampanya laban sa droga ng rehimeng Duterte. Ngayon, mahigit 13,000 nating mga kababayan ang pinaslang ng palpak na War on Drugs–libo-libong mahihirap na Pilipinong “nanlaban” umano, libo-libong bangkay na natagpuan sa lansangan, dumagdag sa mga sementeryo, inilaglag sa Manila Bay, ginawang abo at itinapon sa inidoro, o hanggang ngayon ay nananatili sa punerarya, habang may iba namang hindi pa nakikita. Kabilang po dito ang 17 taong gulang na si Kian delos Santos, 19 taong gulang na si Carl Arnaiz, 14 na taong gulang na si Reynaldo de Guzman, at 15 taong gulang na si Charlie Jean Du at ang batang nasa kanyang sinapupunan.
Ito ba ang kapayapaan at katahimikan na gustong makamit ng rehimeng Duterte? Ang katahimikang resulta ng walang habas na karahasan at patayan, kung saan unti-unting pinupuno ng gobyerno ang mga sementeryo?
Ang Undas ring ito ay hindi lamang pag-alala sa mga pinatay kundi maging sa mga namatayan–mga nabiyudang ina na mag-isang itataguyod ang mga anak, mga naulilang anak na wala nang nagisnan at masasandalang magulang, mga naiwang kapamilya na hanggang ngayon ay naghahanap ng katarungan at katotohanan.
Isama po natin sila sa ating panalangin. Nawa’y makamit po nila ang hustisya.
Isang ligtas, mapayapa, at makahulugang paggunita ng Undas sa ating lahat.