Ngayong Semana Santa, ginugunita po natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan–ang pag-aalay ng buhay ng Kanyang bugtong na anak na si Hesukristo upang tubusin tayo mula sa kasalanan. Inaalala din natin ang kalbaryong pinagdaanan ni Hesus, at ang pinasan Niyang hirap alang-alang sa ating kaligtasan, at sa layuning ilapit tayo sa kalooban ng Diyos.
Sa piling man ng pamilya o kung tayo man ngayon ay nag-iisa, magamit sana natin ang panahong ito upang huminto pansamantala, at makapagnilay sa ating buhay at sa mga nangyayari sa ating lipunan.
Ang atin po bang mga paninindigan, hangarin at desisyon ay naaayon sa kalooban ng Panginoon, na bilang tao, ay buong pagpapakumbabang nagsakripisyo para sa ating lahat?
Anumang dagok o pagsubok na dinaranas natin ngayon ay balewala lamang kumpara sa naging sakripisyo ni Hesukristo. Sa kabila ng pagdududa, pagyurak at panlilibak sa Kanya, nanaig pa rin ang Kanyang pagpapatawad, ang malinis na kalooban, at ang Kanyang pagmamahal.
Dalangin ko pong mabawasan ang mga bumabagabag sa ating isip at kalooban, matuldukan ang mga alitan at karahasang kumikitil sa buhay ng inosente at walang kalaban-laban, at maging gabay natin ang aral at diwa ng Panginoon sa pang-araw-araw nating pamumuhay.
Patuloy po nating ipagdasal ang ating mga pinuno na magabayan sa tamang landas ng pamamahala, ang ating kapwa, lalo na ang mga biktima ng kawalang katarungan. Sa patnubay ng Panginoon, tiyak na mangingibabaw ang kabutihan, katarungan at katotohanan sa ating bayan.
Isang mapayapa, ligtas, at makahulugang Semana Santa sa ating lahat.