“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya Sa pagkadalisay at pagkadakila Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.”
Halaw ang mga linyang ito sa tula ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio–ang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.” Dito ipinahayag ng Ama ng Himagsikan ang di-matatawarang pagmamahal sa Inang Bayan. Hangad niyang mangibabaw ang kapakanan ng bayan kaysa interes ng ilan, ipagtanggol ito mula sa mapang-api at kasuklam-suklam na pamahalaan, at maiadya sa paghihirap ang mga maralita nating kababayan.
Bilang tunay na laki sa hirap, batid ni Gat Bonifacio ang pagdurusa ng maraming Pilipino noon, at ang pangangailangang tugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing. Na sa halip na apihin at lalong ilubog sa kumunoy ng kahirapan ang mga kapus-palad, sa halip na murahin at paasahin lang sa mga ipinangakong pagbabago, sa halip na paslangin sa malupit na pamamalakad, karapatan ng bawat indibidwal na mamuhay nang marangal at may dignidad.
Sa panahong muling nababalot ng kadiliman ang ating bansa–kung saan nilalason ang ating mga kaisipan ng kasinungalingan, kahambugan, panggigipit, at pagmamalabis ng nasa kapangyarihan, nawa’y buong tapang din nating ipahayag ang ating saloobin at ipaglaban ang ating mga karapatan. Sa yugtong ito, hindi sapat na mamulat lamang tayo sa katotohanan. Sa halip na magwalang kibo o masanay at mamanhid na lamang sa mga baluktot na polisiya ng gobyerno, sa kawalang pakundangan sa buhay at dignidad ng tao, sa pagpapalusot at pagprotekta sa mga tiwali at mga sangkot na kamag-anak at kaalyado, imulat din natin ang kapwa Pilipino upang sama-samang manawagan ng pananagutan at tunay na pagbabago.
Isang makahulugan at mapagpalayang pagdiriwang po sa ating lahat.