MENSAHE SA PAGDIRIWANG NG PASKO

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Sa paggunita sa kapanganakan ng Panginoong Hesukristo, lubos na galak ang maipagdiwang ito kasama ang pamilya. Tumitingkad ang kahulugan ng Pasko sa pagsasama-sama ng mga mahal sa buhay, higit pa sa sayang hatid ng mga regalo, mga dekorasyon, at mga awiting pamasko.

Kaya naman batid natin, na sa panahong ito ng Kapaskuhan, marami din sa ating mga kababayan ang humaharap sa hamon ng matinding pangungulila, lalo na sa mga hindi makakapiling ang kanilang mga mahal sa buhay. Ipanalangin sana natin ang mga pamilyang sasalubungin ang Pasko sa evacuation centers dahil sa pagsalanta ng kalamidad, gayundin ang mga kinailangang lumikas dahil sa kaguluhan. Ipanalangin din natin ang mga naulilang ina, ama, asawa, anak at kapatid na haharapin ang Pasko sa gitna ng pagluluksa at paghahanap ng hustisya sa mga pinaslang ng madugong pamamalakad ng rehimeng Duterte. Sa ikalawang Pasko ng bansang ito sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno, nagpapatuloy at lalo pang naging hayag at lantaran ang pag-udyok ng karahasan, ang pagkakalat ng kasinungalingan, at ang paniniil sa mga hindi sumasang-ayon sa mga pagmamalabis sa kapangyarihan.

Gaya noong nakaraang Pasko, dalangin pa rin natin ang magkaroon ng milagro kung saan ipag-uutos na ni Duterte ang pagpapahinto sa mga patayan at ang pagpapanagot sa mga nagkasala. Matapos ang isa’t kalahating taon sa puwesto, bigyang pansin na rin sana ng gobyerno ang mga tunay na suliranin ng kahirapan at kawalan ng pag-asa ng marami nating kababayan�ang problema sa trabaho at kita ng mga manggagawa, ang pagkawasak ng kalikasan, ang katiyakan sa paninirahan ng mga katutubo at maralitang taga-lungsod, edukasyon para sa kabataan, at soberanya ng Inang Bayan. Sa halip na galit, paghihiganti, at pansariling agenda, pagsilbihan naman sana ng administrasyong ito ang mas nakararaming Pilipino at ang interes ng Pilipinas.

Ngayong Pasko at sa araw-araw nating pamumuhay, maging huwaran sana tayo, lalo na ang ating mga pinuno, sa paggalang sa halaga ng buhay at karapatang pantao. Patuloy akong nananalig sa Panginoon, sa kapwa ko Pilipino at sa mga nagmamahal sa Pilipinas na sa huli, mananaig ang katotohanan, makakamit ang katarungan, at maiaadya tayo mula sa kasamaan.

Isang mapayapa at makahulugang pagdiriwang ng Pasko sa ating lahat.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.