Mahigit tatlong dekada na ang nakalipas mula nang magbuklod ang milyon-milyong Pilipino sa EDSA at mabawi ang ating demokrasya. Sandata ang panalangin, binigkis ng malasakit at kolektibong hangarin, matagumpay na napatalsik ng taumbayan ang diktador na si Ferdinand Marcos na nagbunsod ng mapayapang pagbabago.
Isa ito sa pinaka-hinangaang pangyayari hindi lamang sa kasaysayan ng ating bansa, kundi maging ng buong mundo. Sa mahigit tatlong dekada, sagisag ang bawat pagdiriwang natin sa pagsasabuhay sa aral ng nakaraan nang hindi na muli tayong maligaw ng landas at masadlak sa kadiliman.
Subalit sa kasalukuyan, pilit na sinusubukan ng ilan na palabnawin ang diwa ng EDSA kasabay ng pagsupil sa ating demokrasya. May Pangulo na nagbabantang ibalik ang Martial Law, at lantarang sinusuportahan ang pagpaslang ng libu-libong tao. Ang malagim na katotohanan: Sa nakalipas na pitong buwan ng rehimeng Duterte, mas marami nang napatay kumpara sa 14 na taon ng Batas Militar sa ilalim ng rehimeng Marcos. Gayundin, laganap ang mga propagandang kinukubli ang katotohanan, lalo na ang hayagang panggigipit, pagpapatahimik, at pag-aresto sa kritiko ng Pangulo–kahit walang lehitimong batayan–para lamang pagtakpan ang kapalpakan ng gobyerno.
Kung magpapatuloy ang mala-diktador na pamamahala at ang paglabag sa ating mga karapatan, anong kinabukasan ang naghihintay sa atin? Alalahanin po natin: Walang People Power, walang demokrasya, walang tunay na kalayaan, kung nanahimik at nagwalang kibo lamang ang sambayanan sa harap ng talamak na katiwalian, karahasan, at pagmamalabis sa kapangyarihan.
Anuman ang ating katayuan sa buhay, kawani man ng pamahalaan, kasapi ng media, o karaniwang mamamayan, malinaw ang panawagan sa lahat: Sa harap ng nagbabadyang kadiliman, pag-alabin pa natin ang diwa ng EDSA. Sama-sama tayong tumindig laban sa mapaniil na rehimen at diktadurya, at kapit-bisig na ipaglaban ang katotohanan at katarungan sa ating bayan.