Sagisag ang pagsapit ng Bagong Taon ng bagong simula at bagong pag-asa. Isa itong pagdiriwang dahil sa nalampasan nating mga pagsubok; ng pasasalamat sa mga biyaya, at paghahanda sa isang bagong kabanata. Panahon ito ng pagbubuklod ng pamilyang Pilipino, na sa kabila ng mga hamon at problema, ay nagagawa pa ring magsaya at magsama-sama.
Kasabay din ng ating pagdiriwang ang pagninilay at pagbabalik-tanaw sa nagdaang taon. Ang aral ng nakaraan ang nagtuturo sa ating maging mas matatag, makaiwas sa mga dating pagkakamali, at mapaganda ang ating kinabukasan. Gaya ng kasabihan, “Bagong Taon, Bagong Buhay.”
Pero hindi lahat tayo, positibo ang kuwento. May mga kababayan tayong hindi makakasama ang pamilya. May mga sinalanta ng bagyo, at mahihirapan pang makabangon sa pagkawasak ng mga tahanan at kabuhayan. May mga kababayan tayong pinatay, bago pa man bigyan ng pagkakataong magbagong-buhay. Sa likod ng mga salo-salo at makikislap na palamuti, mayroon tayong mga kapwang nagdadalamhati at labis ang pighati sa gunita ng pinaslang na magulang, anak, kapatid, asawa, at kaibigan. Paano nga ba magdiwang, kung nagpapatuloy ang patayan at kawalang katarungan sa lipunan?
Isama sana natin sila sa ating mga panalangin. Gaano man kabigat ang mga pagsubok sa buhay, gaano man kadilim ang kabanatang bumabalot ngayon sa ating bayan, nananalig akong darating din ang liwanag. Sa pagsapit ng Bagong Taon, naniniwala ako sa higit pang pagmamalasakit ng Pilipino sa kapwa Pilipino at sa pagrespeto sa karapatang pantao. Sa gabay ng Panginoon, nawa’y magkaisa tayo tungo sa tunay na mapayapa at makatarungang bansa.
Isang masagana at ligtas na Bagong Taon sa ating lahat.