Marami nang pinagdaanang pagsubok ang Partido Liberal. Sa panahon man ng kadiliman, nasa tuktok man ng kapangyarihan, pinanday ang LP para pumanig sa tama at makatarungan.
Muli tayong sinusubok ng kasaysayan. Sasabay ba tayo sa agos ng pananahimik at pagwawalang-kibo, o susundan ang mga boses ng mga sumasalag na sa pang-aabuso, paninira at kasinungalingan ng gobyerno? Mag-aabang na lang ba tayong matapos ang yugtong ito, habang padalas nang padalas ang pagyurak sa batas at sa ating karapatan, habang palakas nang palakas ang putok ng baril at balita ng patayan sa bawat sulok ng Pilipinas, at habang parahas nang parahas ang ating lipunan?
The challenge to each and every one of us: Let us not allow others to define us by color. I am proud to be Yellow. Pero higit sa pagiging dilawan, mga Pilipino tayong naninindigan para sa hustisya at demokrasya. Let us not allow ourselves to be defined as a party with members who jump ship whenever there is a new ruling party. Our democratic values and principles are greater than those who act only to accomplish their political or personal agenda.
Hindi magtatagal, ang nangyayaring ito sa bansa ay pilas na rin ng kasaysayan na babalikan ng mga susunod sa atin. Nasa atin, kung sa kasaysayang ito, kikilalanin pa rin ang LP bilang tunay na partido ng liberalismo, ng prinsipyo, at ng mga Pilipinong nagmamalasakit sa kapwa Pilipino.
Maraming salamat sa pagkakataong ito. Malugod kong binabati ang pamunuan ng LP at ang lahat ng dumalo sa pagpupulong na ito. Muli, maraming salamat po.