Kaakibat ng pagdiriwang ngayon ng International Human Rights Day ang paggunita sa pagpapatibay ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR), halos pitong dekada na ang nakalipas. Ito ang nagbigay ng pag-asa para mapalaya sa pang-aabuso ang mga pinaka-nakararanas ng pagtapak at pagyurak sa kanilang karapatang-pantao sa buong mundo.
Ngayon na humaharap ang mga bansa sa iba’t ibang panig ng daigdig ng krisis sa karapatang pantao, gaya ng sa Syria, Yemen, Libya, Afghanistan, Iraq, Sudan, Myanmar at mga lugar sa Central America, lalong mahalagang balikan, panindigan at isabuhay ang diwang nakapaloob sa Universal Declaration of Human Rights.
Sa klase ng Pangulo na mayroon ang Pilipinas ngayon na si Ginoong Duterte, matinding krisis din ang kinahaharap ng ating bansa sa usapin ng karapatang pantao. Nariyan ang libo-libong mahihirap na Pilipinong pinaslang nang walang kalaban-laban, kabilang na ang mga inosenteng bata, habang pinalulusot ang mayayaman, ang kanilang mga kaalyado, ka-brod, at kamag-anak. Nariyan ang panggigipit, pagpapakulong, at pagsasampa ng inimbentong kaso sa kritiko ng gobyerno. Nariyan ang pagmumura at pambabastos sa Santo Papa at sa mga kababaihan, pagpapabaya sa ating teritoryo sa West Philippine Sea, at panlalait sa mga kapuspalad sa kanilang pagiging mahirap, sa halip na bigyan ng sapat at marangal na kabuhayan.
Matapos nga ang halos isa’t kalahating taon sa puwesto, imbes na tuparin ang pangako, nagpatuloy at lalo pang lumubha ang sitwasyon sa trapiko, transportasyon, kapayapaan, katiwalian sa pamahalaan, mataas na presyo ng bilihin, habang wala pa ring tiyak na pagkakakitaan ang maraming Pilipino. Napakahaba ng listahang ito, pero tila ineetsa-puwera lang ng rehimeng Duterte, at ibinubunton ang sisi at kapalpakan nila sa iba.
We cannot remain silent and depend passively on governments. We the people ourselves have to act – act with urgency and in solidarity with each other. With political leaders themselves demonizing their own people, and even instigating the widespread attacks against them, the need for all of us to stand up for the basic values of human dignity and equality of everyone everywhere has now become extremely urgent.
Sa panahong ito ng pagmamalabis ng mga nasa kapangyarihan, hindi tayo puwedeng magwalang-kibo na lamang. Sa ating pananahimik, lumalakas ang loob ng mga mapang-abuso; sa ating pagwawalang-kibo, lalong kumikilos ang mga walang konsensyang pinuno para maghasik ng kasinungalingan, at pigain ang kaban ng bayan para sa pansariling interes at kapritso.
Napatunayan na natin sa ating kasaysayan: Sa oras ng pagsubok, nagbibigkis ang Pilipino para manaig ang hustisya. Tapusin na natin ang siklo ng panunumbalik ng kadiliman at pang-aabuso. Imulat natin ang marami pa nating kababayan sa katotohanan at sa kanilang mga karapatan, ipagtanggol ang kapakanan ng kapwa lalo na ang walang kakayahang ipagtanggol ang sarili at ang higit na nangangailangan ng kalinga. Kumilos tayo para panagutin ang mga mapagmalabis sa kapangyarihan, at palakasin pa ang tinig sa pagtataguyod ng katarungan sa lipunan.
Isang mapagpalayang pagdiriwang po sa ating lahat.