Dalawang taon na po ang nakaraan nang ginimbal tayo ng balitang inilibing na ang mga labi ng diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ito nga po ay napakalaking insulto sa dangal at alaala ng mga tunay na mga bayaning nahihimlay sa sagradong lugar na iyon. Ito ay napakalaking insulto sa lahat ng mga biktima ng karahasan, pagpatay, torture at pang-aabuso sa ilalim ng Batas Militar ni Marcos. Ang patraydor na paglilibing na ito ay isa ring malinaw na pagtatangka na ibaon sa hukay ang tunay na kasaysayan—ang katiwalian at ang kawalang katarungang namayagpag sa diktadurya. Kasaysayan itong pilit na binubura, binabaligtad, at pinagtatakpan para mas madali tayong makalimot at nang makabalik sa poder ang mga ganid sa yaman at kapangyarihan.
Pero pilit man nilang itago ang kanilang mga kabuktutan, sa huli, lalabas at lalabas ang katotohanan. Kamakailan nga, hinatulan ng Sandiganbayan na guilty si dating First Lady Imelda Marcos sa mga kaso ng katiwalian. Mabagal man ang naging pag-usad ng katarungan, hindi pa rin naging huli ang lahat. Dahil malinaw na pahayag ito sa buong mundo: Hindi bayani si Marcos. Nagnakaw ang mga Marcos.
Pero hindi nga po dito natatapos ang laban. Mailibing man nila ang diktador sa Libingan ng mga Bayani, patuloy nating ihayag at ilimbag sa pahina ng kasaysayan ang katiwalian at kalupitan ng kanyang rehimen. Tayo mismo ang magmulat sa marami nating kababayan, lalo na sa mga kabataan sa kung ano ang totoo: Napakalaki ng pagkakaiba ng mga bayaning nag-alay ng buhay at nagmalasakit sa bayan, sa diktador na nag-udyok ng mga pagpatay, at nagdulot ng pasakit at kalunos-lunos na pagdurusa sa napakaraming Pilipino. Makapagpiyansa man si Imelda Marcos, at makaisip ng napakaraming dahilan para hindi makulong, dapat ituwid ang sistemang pangkatarungan na nananatiling hindi patas sa mahihirap at kumikiling sa mga makapangyarihan.
Hindi makatwiran na ang mga inosente ay nasa piitan, habang ang nahatulang guilty ay nagagawa pang makipag-party. Walang hustisya sa inuusig at ginigipit na tapat na lingkod-bayan samantalang nananatiling malaya ang mandarambong na nagkamal ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.
Sa mga ganitong klaseng pinuno pa rin ba natin iaasa at ipagkakatiwala ang pamumuno at ang kinabukasan ng ating bansa?
Ang patuloy nating panawagan: Never forget! Never again!