MENSAHE SA ARAW NG MGA BAYANI

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Kung babalikan ang kasaysayan, mapapansing dumadaan tayo sa siklo ng pagkadapa at pagbangon, sa pagkapiit at paglaya mula sa mapaniil na pamamahala, at sa pagkaapi at pagpapanagot sa mga abusadong pinuno. May mga panahong natututo tayo at nagkakaisa, pero may mga yugtong nakakalimot din at nagkakanya-kanya.

Alalahanin sana natin: Hindi nagbuwis ng buhay ang mga naunang Pilipino para mabawi ang kalayaan mula sa dayuhan, para lamang ngayon ay hayaan natin ang pagpatay ng libo-libong Pilipino. Hindi nag-alay ng buhay ang marami nating kababayan para ipagtanggol ang pambansang dangal kung ipamimigay lang din natin ang ating mga teritoryo. Hindi nagkaisa ang milyon-milyong Pilipino sa EDSA at humarap sa tiyak na peligro, para lang bumalik tayo sa rehimen ng marahas at malupit na diktadurya.

Minsang isinilang ang isang bata sa Laguna at paglaon ay naging pambansang bayani. Minsang nangarap ang maraming bata sa Iloilo at Davao, at naging tunay at tapat na mga kawal. Minsan na ring may mga naligaw ng landas, pero natuto, nagabayan, at naging mabubuting Pilipino. Minsan din lang nagkaroon ng 7-taong gulang na SaniƱo Butucan ng Cebu, 5-taong gulang na Danica May Garcia ng Pangasinan at Francisco Manosca ng Pasay, ng 4-taong gulang na Althea Fhem Barbon ng Negros Oriental, at 17-taong gulang na Kian delos Santos ng Caloocan. Minsan lang. Pero pinagkaitan ng pamahalaang ito na mangarap at maging bahagi ng isang higit na mabuti at mapagkalingang lipunan.

Tunay po: Hindi maisusulat sa mga pahina ng kasaysayan ang lahat ng pangalan ng mga bayani. Pero sa paggalang sa karapatang pantao, sa pagmamalasakit sa dignidad ng Pilipino, at pagtataguyod ng isang makatao at makatarungang kinabukasan, nabibigyan ng saysay ang ipinaglaban ng ating mga bayani.

Sa pagpapatuloy ng kanilang nasimulan, sa pag-una sa kapakanan ng bayan kahit sa munti nating mga paraan, tayo ay maituturing na ring mga bayani.

Isang makabuluhan at mapagpalayang pagdiriwang sa ating lahat.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.