MENSAHE SA ANIBERSARYO NG PAGKAMATAY NI PANGULONG CORY AQUINO

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Ngayong araw, ginugunita po natin ang ika-8 anibersaryo ng pagpanaw ng kauna-unahang babaeng Pangulo ng Pilipinas, at sagisag ng demokrasya ng bansa—si dating Pangulong Cory Aquino. Walong taon man ang nakalipas, nananatiling inspirasyon natin ang kanyang tatag at tapang ng loob bilang ina, asawa, Pangulo, at Pilipinong may malasakit sa Pilipino.

Ngayong nasa yugto tayong muli ng mala-diktador na gobyerno, hahayaan ba nating patuloy na sagasaan ang ating mga karapatan? Hanggang kailan natin maaatim ang unti-unting pagkitil sa demokrasya? Ngayon, higit kailanman, kailangan nating buhayin ang pagkakaisang tuwinang nagpapalaya sa bansa mula sa malupit at baluktot na pamamahala.

Sa bawat mura at pagbalewala sa buhay, isipin natin ang mga pamilyang tuluyang naulila ng ama, ina, kapatid, asawa at hirap na hirap makahanap ng hustisya; sa bawat kasinungalingan, isipin natin ang mga kababayan nating inosente subalit patuloy na nagdurusa habang ang mga tunay na maysala ay malaya pa ring nakapanlilinlang; sa bawat sandali ng panatisismo at pagbubulag-bulagan, alalahanin natin ang mga bayaning nagbuwis ng buhay para imulat ang Pilipino sa katotohanan. Isipin po natin ang isang Cory Aquino, na sa kabila ng mabigat na pagsubok na ibangon ang bayan mula sa katiwalian at kahirapan, at ng mga tangkang pabagsakin ang kanyang administrasyon, ay nanatiling nasa tamang lugar ang puso para pangunahan ang bansa sa landas ng pag-unlad at katarungan.

Sama-sama, nagkakaisa, ituloy po natin ang laban ng People Power para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng susunod na henerasyon ng Pilipino.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.