MENSAHE SA ANIBERSARYO NG PAGKAMATAY NI NINOY AQUINO

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

“I will never be able to forgive myself if I will have to live with the knowledge that I could have done something and I did not do anything.”

Ito po ang mga kataga ni Ninoy noong panahong nasa ilalim ang Pilipinas ng isang diktador–ang punto sa ating kasaysayan na kontrolado ng isang tao ang kapangyarihan ng Estado. Marami din ang nanahimik at nagwalang-kibo noon sa pag-aakalang hindi sila madadamay ng malupit at mapaniil na gobyerno.

Iba nga po ang naging pananaw at paninindigan ng kagaya ni Ninoy. Sa kabila ng peligro, nanaig ang kanyang pagiging Pilipino, ang malasakit sa mga kababayan na para sa kanya’y marapat lamang paglaanan ng kanyang buhay. Pinili niyang harapin ang kapalaran sa pagbalik sa sariling bayan. Hinangad niyang itaguyod ang kalayaan at ang ating mga karapatan sa payapang paraan.

Hindi po kalabisang isipin na ang pagpatay ngayon sa mga walang kalaban-laban, pagtumba sa mga inosenteng sibilyan–sa apat na taong gulang, limang taong gulang at labimpitong taong gulang na bata ay pagkitil din sa ating demokrasya. Na katumbas ng ating pananahimik ang lalong paglakas ng loob ng mga mamamatay-taong kalabitin ang gatilyong papatay sa kapwa Pilipino.

Mahigit tatlong dekada na po ang lumipas mula nang paslangin si Ninoy. Pikit-mata na lang po ba nating tatanggapin ang pagbabalik ng lipunang uhaw pa rin sa katarungan at walang pananagutan ang mga nasa kapangyarihan?

Kaakibat ng panggunita natin ngayon sa alaala ni Ninoy ang malinaw na panawagan sa bawat isa sa atin. Sa harap ng nagbabadyang diktadurya, muli po tayong tinatawag para magkaisa: sa ngalan ng hustisya at demokrasya.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.