Tuwing Semana Santa, ginugunita po natin ang dakilang sakripisyo at pag-ibig ng Panginoon nang ialay niya ang sariling buhay para sagipin ang sanlibutan mula sa kasamaan. Kaakibat po nito ang pag-anyaya sa atin na pagsisihan ang ating mga kasalanan at patibayin ang ating pananampalataya.
Ang hamon at panawagan nga po sa atin ngayon, hindi lamang bilang Katoliko, kundi pati na rin bilang mga Pilipino: Magwawalang kibo na lang ba tayo o maninindigan laban sa walang habas na pagpaslang sa ating mga maralitang kababayan, sa pananakot at pagkakalat ng kasinungalingan para manira ng kapwa, sa pagbalahura sa Simbahan, at higit sa lahat, sa pagbastos sa pangalan ng Panginoong ating Tagapagligtas?
I hope and pray that during this solemn occasion, our people find time to strengthen their faith, reflect on the suffering of our fellow Filipinos, especially the plight of poor families, and be enlightened on the dire state of our nation.
Nawa’y taimtim nating pagnilayan ang ating mga pagpapahalaga at paninindigan sa panahong ito ng nangingibabaw na karahasan, araw-araw na patayan at kawalang katarungan. Gamitin po sana natin ang panahon na ito, kasama ang ating pamilya, na ipagdasal ang kapakanan at kinabukasan ng ating bansa. Ipagdasal po natin ang tagumpay ng mga tapat na pinuno, ang pagpapanagot sa mga tunay na salarin-silang mga nagtatago at mga naghuhugas-kamay sa kanilang kabuktutan-gayundin ang pagkaluklok ng mga lingkod-bayan na totoong maglilingkod nang tapat sa sambayanan.
Sa pamamagitan lang po ng mga ito, tunay nating maisasabuhay at kahit paano’y masusuklian ang dakilang aral at pagmamahal ng Diyos nang iligtas Niya tayo at tubusin mula sa kasalanan.Isang mapayapa at makahulugang Semana Santa po sa ating lahat.