Isang malugod na pagbati sa ating mga kababayan sa munisipalidad ng Aroroy, Masbate sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Raphael na Arkanghel.
Sa harap ng mabibigat na pagsubok na ating pinagdadaanan, ang pagdaraos ng mga kapistahan ay hindi lamang nakapagpapagaan ng ating kalooban o nakapagdudulot ng saya, kundi nagpapapatibay din ng ating pananampalataya at pagkakaisa. Sa makabuluhang okasyong ito, naitatampok ang mabubuting katangian ng mga Masbateño at ng Pilipino: magiliw, palakaibigan at may malasakit sa kapwa.
Mula sa mayaman ninyong kasaysayan hanggang sa magaganda ninyong tanawin, at kahanga-hanga ninyong Rodeo Masbateño, tiwala akong marami pang turista ang mahihikayat na bumisita sa inyong probinsya. Ito naman po ang magbubukas ng pinto ng pagkakataon tungo sa lalo pa ninyong pag-unlad.
Bilang Senador, sinisiguro ko po sa inyo: Hindi ko sasayangin ang pagkakataon at tiwalang ipinagkaloob ng ating mga kababayan upang maglingkod. Magtulungan sana tayo sa pag-abot ng ating mga hangarin: Ang pagsusulong ng katapatan at pananagutan sa gobyerno, pagtatanggol sa karapatang pantao, at pagbibigay-lakas sa ating mga kababayan para umasenso.
Sa gabay ni San Raphael na Arkanghel at ng ating Panginoon, paigtingin pa natin ang pagkakabit-bisig tungo sa katuparan ng ating mga pangarap. Isang mapayapa, makahulugan, at masayang kapistahan sa inyong lahat.