MENSAHE PARA SA PAGGUNITA NG UNDAS

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Ngayong Undas, ginugunita natin ang mga yumao nating mahal sa buhay. Bahagi ito ng mayaman nating tradisyong Pilipino– ang pagbibigay-galang sa mga namayapa at sa kanilang kaluluwa. Panahon po ito ng pagdalaw at paglilinis ng mga puntod, ng pag-aalay ng bulaklak, kandila at panalangin, gayundin ng pagsasalo at pagsasama-sama ng ating pamilya at kamag-anak.

Panahon din po ito ng pagninilay ng sambayanan sa buhay at kamatayan. Sa piling ng ating mga mahal sa buhay, pagkakataon ito hindi lamang ng pagpapatibay sa ating samahan, kundi maging ng pagbabalik-tanaw at pagsasabuhay natin sa mga aral ng nakaraan.

Kaakibat ng tahimik nating paggunita, nawa’y alalahanin at isama din natin sa ating mga panalangin ang mga kapwa Pilipinong hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng katotohanan at katarungan– sa pagkawala ng ama, ina, asawa, kapatid, anak, at kaibigan. Hangad po nating makamit nila ang kapanatagan ng kalooban, lalo na, ang hustisya.

Ayon nga po sa Aklat ng Genesis, Kapitulo 3, Bersikulo 19: “Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Ang buhay nga po ay pansamantala lamang. Nawa’y lubusin po natin ito sa paggalang at pagmamalasakit sa kapwa, at sa sama-samang pagtataguyod ng makatarungan, makatao at maka-Diyos na lipunan.

Isang mapayapa at ligtas na paggunita ng Undas po sa ating lahat.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.