MENSAHE PARA SA PAGGUNITA NG “NIÑOS INOCENTES”

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kapaskuhan, taon-taon ding ginugunita ng Simbahang Katolika ang “Niños Inocentes”. Pag-alala ang kapistahang ito sa mga batang ipinapatay ni Haring Herodes matapos ipanganak si Hesukristo. Dulot sa pagkaganid sa kapangyarihan, itinuring niyang banta ang bagong silang na si Hesus sa kanyang kaharian kaya ipinag-utos ang madugong pagpaslang sa mga inosenteng bata.

Sa nakalipas na isa’t kalahating taon, naging pamilyar ang ganitong malagim na pangyayari sa ating bansa sa ilalim ng pamamahala ng rehimeng Duterte. Sa madugong kampanya laban sa droga, inudyukan at patuloy pa ring inuudyukan ng gobyernong ito ang laganap na patayan kung saan napakarami nang inosente, kabilang ang mga bata, ang pinaslang. Noong nakaraang taon, hindi na nagawang makapagdiwang ng Pasko ng 7-taong gulang na si Saniño Butucan, 5-taong gulang na sina Danica May Garcia at Francisco Manosca, at ng 4-taong gulang na si Althea Fhem Barbon. At dahil hindi pa rin ipinahinto ng rehimeng Duterte ang patayan sa harap ng kabi-kabilang panawagan na itigil na ito, pagluluksa ang hatid ng Pasko ngayong taon sa pamilya ng 14-taong gulang na si Reynaldo de Guzman, 15-taong gulang na si Charlie Jean Du at ng batang nasa kanyang sinapupunan, 17-taong gulang na si Kian Loyd delos Santos, at 19-taong gulang na si Carl Arnaiz. Mga itinuring ng gobyernong ito bilang “collateral damage”          ng War on Drugs. Silang mga pinaslang nang walang kalaban-laban. Silang pinagkaitang matupad ang pangarap para sa sarili at pamilya. Mga bata. Mga Niños Inocentes.

Ipanalangin natin na makamit nila ang hustisya, at ang paghilom ng malalim na sugat na iniwan ng trahedya sa kanilang pamilya. Ipanalangin nating matigil na ang karumal-dumal na patayan at karahasan sa ating bayan. Isama rin po natin sa ating dasal ang lahat ng mga batang naging biktima ng kapabayaan at karahasan sa ibang mga bansa gaya ng sa Syria at Myanmar.

Sa modernong panahong ito, ang mga walang muwang na bata ang nadadamay at pinaka-biktima ng kaguluhan bunsod ng galit, diskriminasyon at kasamaan. Sa musmos nilang kaisipan, nakararanas na sila ng pangungulila, pagkalito at kawalang pag-asa. Tungkulin natin, bilang mga mamamayang nagsasalo sa iisang mundo, na ipagtanggol at itaguyod ang kanilang karapatan para sa isang maaliwalas na bukas para sa lahat lalo na sa kanilang mga bata.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.