MENSAHE PARA SA PAGGUNITA NG ARAW NG MGA BAYANI

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Ngayong araw, buong bayan po tayong nagpupugay at nagbabalik-tanaw sa kadakilaan ng ating mga tunay na bayani.

Ikinararangal natin ang mga Pilipinong buong tapang na nag-alay ng buhay para sa kalayaan, ang mga nagsakripisyo para sa kapakanan ng mas nakakarami, at ang mga nagsilbing liwanag sa madidilim na kabanata ng ating kasaysayan.

Ngayon po ay muling nahaharap ang ating bayan sa panibagong hamon at krisis– ang pagbabaluktot sa katotohanan at ang pananahimik sa kabila ng mga nangyayaring karahasan at pagyurak sa karapatan ng mamamayan. Ang pundasyon ng ating mga batayang prinsipyo ay sinusubok hindi lamang ng masasamang elemento, kundi pati na rin ng mga nasa kapangyarihan. Para ilihis tayo sa mga tunay na isyu, may mga pwersang nagpapakalat ng kasinungalingan at pilit na sinusupil ang ating demokrasya.

Sa harap ng mga panlilinlang at kawalan ng pagpapahalaga sa moralidad at sa ating dignidad, magwawalang-kibo na lamang ba tayo? Hahayaan ba nating pangunahan tayo ng takot at bukas-makalawa ay maging biktima na rin ng karahasan at mga pang-aabuso?

Tandaan po natin: Hindi nakipaglaban ang ating mga bayani para sa katotohanan para lamang muling mangibabaw ang panlilinlang at kasinungalingan. Hindi ipinagtanggol ng Pilipino ang kapwa Pilipino noon para lamang humantong tayo sa patayan at di-makataong lipunan.

Malinaw ang hamon sa bawat isa: Makiambag upang manaig ang batas sa halip na dahas; ang mamulat at isiwalat ang katotohanan. Gaya ng ating mga bayani, nawa’y maging alagad tayo ng malasakit, katarungan, at huwarang paglilingkod sa ating kapwa at minamahal na bansa.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.