Maligayang bati sa lahat ng mag-aaral na nagtapos at magsisipagtapos ngayong taon.
Sa pagbubukas ng panibagong kabanata sa inyong buhay, hangad kong magamit ninyo ang inyong mga natutuhan upang harapin ang darating pang mga hamon. Sa pagpapatuloy man ninyo sa mas mataas na antas ng pag-aaral o pagpasok sa larangan ng empleyo, nawa’y gampanan ninyo ang tungkulin hindi lamang sa sarili at pamilya, kundi maging sa ating bansa.
Gamitin ninyo sanang gabay ang karanasan ng inyong mga magulang, at ng mga gaya naming dumaan na sa mabibigat na pagsubok sa buhay. Mula sa paaralan kung saan sinusukat ang inyong tagumpay ng grado, tatawid kayo sa totoong mundo na titimbangin ang inyong pagkatao at prinsipyo.
Sa panahon kung kailan laganap ang paghahasik ng kasinungalingan sa ating bayan, magsilbi sana kayong bukal ng tamang impormasyon sa kapwa, lalo na sa social media. Sa harap ng tukso ng mga ganid sa pera at kapangyarihan, mangibabaw sana ang inyong pagpapahalaga sa katapatan at pananagutan. Sa banta sa ating demokrasya, makilahok kayo sa pagtataas ng antas ng pampublikong diskurso, at sa panawagang hindi na dapat maulit ang malupit at mapaniil na diktadurya.
Nananalig ako: Tanging sa gabay ng Panginoon, sa wastong paggabay ng mga pinuno ng bansa, at sa ating matibay na pagkakaisa, maipapamana sa susunod na henerasyon ang isang makatao at makatarungang lipunan.