Sa pangunguna ng Simbahang Katolika, buong puso nating sinusuportahan ang gaganaping pagtitipon at sama-samang panalangin sa EDSA Shrine ngayong araw, ika-5 ng Nobyembre, sa ganap na alas-3 ng hapon.
Paano nga ba simulan ang paghilom? Masisimulan lamang ito sa pagkamulat at sa pagmumulat sa ating mga kababayan ukol sa tunay na sanhi ng sugat–walang iba kundi ang War on Drugs ng rehimeng Duterte. Malinaw na ito ang dahilan ng pagdanak ng dugo, ang patakarang pumatay hindi lamang sa mahigit 13,000 mahihirap na Pilipino, kundi kumikitil din sa ating demokrasya at sa diwa ng ating pagka-Pilipino.
Makakamtan lang din ang tuluyang paghilom sa pagkakaroon ng hustisya. Sa patuloy na panggigipit at pagtapak sa aking mga karapatan ng rehimeng ito, hindi ko po maiwasang makaramdam ng galit sa pagpapakulong sa akin nang walang kasalanan, at ng sakit at lungkot na hindi makapiling ang aking pamilya
Ngunit sa akin din pong pag-iisa at nararanasang kawalan ng hustisya, lalo ko ring naunawaan ang hinagpis at pagdurusa ng mga naulilang kapamilya ng mga biktima ng War on Drugs. Paulit-ulit lang na mabubuksan ang sugat at mananatili ang mapait na alaala ng karumal-dumal na pagpaslang sa kanilang ama, ina, anak, kapatid, kaibigan, at sa mga batang inosente at walang kalaban-laban, kung patuloy na ipagkakait sa kanila ang katotohanan at ang katarungan
Sa rehimeng Duterte: Kung patuloy kayong magbubulag-bulagan sa katiwalian sa inyong bakuran at sa pamahalaan, sa mataas na presyo ng bilihin, sa mababang pasahod, at kawalan ng trabaho, magpapatuloy ang salot ng ilegal na droga na bunga ng kahirapan, at bumibiktima sa mahihirap nating kababayan.
Buhayin at buong tapang po nating isulong ang diwa ng EDSA na nagbuklod sa atin noon para mapayapang ipaglaban ang ating mga karapatan at demokrasya, upang ngayon naman ay masimulan ang tuluyang paghilom ng ating bayan.