Kaisa ang sambayanan, nagpupugay tayo sa ating mga manggagawang Pilipino ngayong Araw ng Paggawa.
Ang lakas ng paggawa ang pundasyon ng ating mga industriya, nagpapasigla sa ekonomiya, na siya namang nagbibigay kakayahan sa gobyernong paunlarin ang mga serbisyong panlipunan. Saanmang panig ng mundo, sa anumang larangan, kinikilala at hinahangaan ang sipag at dedikasyon ng mga Pilipino sa pagtatrabaho.
Kaya naman bilang sektor na nagpapa-angat sa estado ng ating bansa, marapat din lamang na maiangat ang inyong antas ng pamumuhay, itaguyod ang inyong mga karapatan at tugunan ang inyong agarang pangangailangan. Kabilang nga po sa patuloy na iniinda ng ating mga kababayan ang suliranin ukol sa mababang pasahod, kawalan ng trabaho, at kontraktuwalisasyon.
Makalipas ang halos isang taon ng rehimeng Duterte, walang ibang bukambibig ang Pangulo kundi ang giyera laban sa droga na kumitil na ng mahigit walong libong buhay–karamihan dito, maralitang Pilipino. At isa sa mga bunga nito ang bigong pangako ng kasalukuyang rehimen para sa mga manggagawa at kawalan ng kongkretong programa upang tugunan ang mga nasabing problema.
Malinaw naman: Ang kawalan ng trabaho at kawalan ng tiyak na kabuhayan ang pangunahing dahilan ng kahirapan sa bansa, ng pagkagipit ng mahihirap nating kababayan, na nagtutulak sa kanila para kumapit sa patalim. Sila na nga ang biktima ng kahirapan, sila pa ang biktima ng ilegal at walang habas na patayan.
Magising na sana ang rehimeng ito sa katotohanan. Sa halip na itutok lang nila ang pansin sa adiksyon ng Pangulo sa karahasan at patayan, tuparin na nila ang pangakong pagsilbihan ang ating mga kababayan.