Isang taos-pusong pagpupugay sa ating masisipag at huwarang manggagawa sa buong mundo sa inyong makabuluhang ambag upang maging matatag, hindi lamang ang inyong pamilya, kundi pati ang ating bansa.
Kasabay nga po ng ating taunang pagdiriwang sa araw na ito ang panawagan ng mga manggagawa para tugunan ang kanilang mga hiling at hinaing—ang Endo, mababang sweldo, at kawalan ng tiyak na trabaho.
Pero balikan po natin: Ano na ang nagawa ng gobyerno ni Duterte makalipas ang halos tatlong taon? Nangyari ba ang ipinagyabang niyang wala na raw kontraktuwalisasyon? Napagaan ba ang buhay ng mga manggagawa sa inaprubahan nilang bagong buwis? Hindi pa nakuntento sa mga pangakong napako, ipinamigay pa ang libo-libong trabaho, hindi sa kapwa Pilipino, kundi sa mga dayuhang Tsino.
Tandaan natin: Ang mga ganitong baluktot na polisiya ng pamahalaan ay hindi maipapatupad kung wala ang suporta ng mga kaalyado ni Duterte, silang mga hawak niya sa leeg, at sunud-sunuran lang sa dikta ng Malacañang.
Ngayon po, nalalapit na ang halalan. Nariyan na naman ang mga kandidatong manliligaw para sa inyong boto. Sa nalalabing mga araw, kilalanin natin ang mga pinunong tunay na mapagkakatiwalaan para tugunan ang mga suliranin sa sektor ng paggawa. Imulat natin ang ating mga kababayan sa mga karakter at kakayahan ng mga tumatakbo, kung sino ang mga protektor ng mga tiwali at kriminal, mga duwag tumindig at tumutol sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, teritoryo at trabaho ng mga Pilipino.
Nasa atin pong mga kamay ang kapangyarihan para muling itama ang landas na tinatahak ng ating bansa. Nagkakaisa nating suportahan ang mga lider na tapat, may paninindigan, at tunay na itataguyod ang kapakanan ng manggagawa.
Isang mapagpalayang araw, at mabuhay po ang manggagawang Pilipino!