Sa lahat ng ating huwarang ama, Happy Father’s Day po sa inyong lahat!
Tunay pong hindi matatawaran ang sipag at dedikasyon ng mga ama para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya. Anumang tindi ng sakripisyo, gaano man kabigat ang hamon na hinaharap–katuwang ang mga ina–ay nagsisilbing matatag na haligi ang ama para maitaguyod ang mga anak.
Ganitong tibay ng loob po ang itinuro sa amin ni daddy noong nabubuhay pa siya. Nagpapasalamat ako sa maayos, marangal at mapagmahal niyang pagpapalaki sa amin, higit sa lahat, sa paghubog sa aking pagkatao na manatiling nakatayo sa kabila ng matitinding pagsubok sa buhay–gaya ng dinadanas ko ngayon
Sa espesyal na araw na ito, alalahanin din po sana natin at ipanalangin ang mga pamilya na sa unang pagkakataon ay hindi makapagdidiwang kasama ang kanilang mga ama–sa pamilya ng mga nasawi nating bayani na nakipaglaban para iligtas ang mga kapatid natin sa Marawi. Gayundin, ipagdasal natin ang lahat ng ama na di-makatarungang pinaslang, nadamay at nabiktima ng madugong kampanya laban sa droga, kasama na ang kanilang mga naulilang asawa, anak, kapatid, at magulang na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng hustisya
Umaasa din po tayo sa isang Pangulo, na siyang itinuturing na ama ng bansa, sa propesyonal niyang pagtupad sa tungkulin. Sa panahon ng matinding krisis at pangangailangan, dapat buong katapatang mailahad sa publiko ang kanyang tunay na kalagayan at kalusugan, at matiyak na may sapat pa siyang kakayahan upang gabayan at pamunuan ang ating bayan.
Bilang isang pamilyang Pilipino, sama-sama nating tahakin ang landas ng katotohanan, katarungan at kapayapaan tungo sa mas maaliwalas na bukas para sa ating mga anak, at sa mga susunod pang henerasyon ng Pilipino.