MENSAHE PARA SA ARAW NG KALAYAAN

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Isang daan at labingsiyam na taon na po ang nakalipas mula nang makamit natin ang kasarinlan mula sa dayuhan at mapaniil na pamamahala. Kasabay ng paggunita at pasasalamat sa kalayaang ating tinatamasa ngayon, ang pagpupugay natin sa ating mga bayani, kabilang ang mga Pilipinong hindi man nailimbag ang pangalan sa pahina ng kasaysayan, ay buong pusong ipinaglaban at ipinagtanggol ang Inang Bayan.

Saludo rin tayo sa magigiting nating bayani ngayon–sa Overseas Filipino Workers, sa mga guro, sa mga kawani ng gobyerno at ng media, sa mga manggagawang Pilipino na nagbubuhos ng sipag at dedikasyon para itaguyod ang kapakanan ng pamilya at lipunan. Maraming salamat din sa mga pulis at sundalo nating nagbubuwis ng buhay para sa kaligtasan ng ating mga kababayan sa Mindanao, at nagbabantay sa ating teritoryo laban sa masasamang elemento, at nagnanais na angkinin ito.

Ngayon nga po, nahaharap tayo sa mga panibagong hamon ng ating panahon. Marami pa ring Pilipino ang patuloy na naghahangad ng kalayaan–kalayaan sa gutom at kahirapan, sa kawalan ng katarungan, at sa mga hidwaang kumikitil ng libu-libong buhay.

Kaya naman nananawagan tayo sa rehimeng Duterte: Tigilan na ninyo ang mga baluktot ninyong sistema ng pamamahala. Hindi maiaahon ang bansa sa pagpatay sa mahihirap nating kababayan. Hindi madadaan sa karahasan at pagkitil sa demokrasya ang pagkamit ng katarungan at kapayapaan. Kailangan ng ating mamamayan na makita ang kongkretong programa at proyekto ng pamahalaan para matugunan ang kawalan ng trabaho, mababang pasahod, at kawalan ng tiyak na kabuhayan.

Patunay ang ating kasaysayan: anumang bigat ng pagsubok, anumang unos ang dumaan sa bansa, pagkakaisa ang nagpapatibay sa atin upang makabangon at malampasan ang bawat hamon. Ibalik po natin ang ating pambansang dangal tungo sa tunay na paglaya at pagkamit ng magandang kinabukasan.

Isang makabuluhang pagdiriwang po ng Araw ng Kalayaan!

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.