“Hindi ka malaya, mahaba lang ang tanikala.”
Ito po ang kasabihan na tila naglalarawan sa sitwasyon ng bansa natin sa kasalukuyan–hindi tayo ganap na malaya. Hindi na nga natin lubusang natatamasa, niyuyurakan pa ang ating karapatan ng mapaniil na pamahalaan.
Nariyan ang pamimigay ng ating teritoryo at mga trabaho sa dayuhan, ang pagkakait ng kabuhayan sa ating mga mangingisda, ang panggigipit at pagpapakulong sa mga kritiko ng gobyerno, ang walang habas na pagpatay sa mahihirap pati na sa mga bata, at ang paglapastangan sa ating mga institusyon at Konstitusyon na pundasyon ng ating demokrasya.
Our freedom is at the mercy of leaders whose true goal in office is to serve their self-interest and to perpetuate themselves in power. They interpret laws and implement policies based on their caprices; they persecute critics while rewarding their relatives, allies and sycophants.
Kaya naman sa paggunita natin sa makasaysayang araw na ito, ituloy po natin ang laban ng magigiting na Pilipinong nag-alay ng dugo at buhay para makamit ang kasarinlan. Tulungan natin ang mga maralita na makaahon sa gutom at kahirapan, silang kahit kapos sa buhay ay buong pagpupursige pa ring nagtatrabaho nang marangal para may maipakain sa kanilang pamilya.
Samahan din natin ang ating mga kababayang patuloy na naninindigan, silang mga nasa gobyerno, alagad ng Simbahan o karaniwang mamamayan, para maituwid ang baluktot at mapanagot ang mga tiwali at abusado. Bigyang lakas pa natin ang kabataan na maging mas mulat at makiambag sa pambansang diskurso upang maitaguyod ang tunay na hustisya at reporma sa kalakhang bansa.
Isang makahulugang pagdiriwang at mapagpalayang araw sa lahat!