MENSAHE NI SEN. LEILA M. DE LIMA SA PAGDIRIWANG NG ELDERLY FILIPINO WEEK

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Isang malugod na pagbati sa ating mga minamahal na senior citizen sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week.

Kaakibat po ng ating pagdiriwang ang pagpupugay natin sa lahat ng nakatatandang kapamilya, kamag-anak, kaibigan at mga kakilala. Patunay po ang marami sa ating mga senior citizen na hindi hadlang ang edad sa pagtataguyod ng propesyon at sa pag-ambag sa pag-unlad ng pamilya at lipunan.

Sa lahat ng ating uliran at huwarang senior citizen: Maraming salamat po sa paggabay sa ating kabataan sa tamang landas, at sa pagpapamalas ng mabubuting katangian nating mga Pilipino. Gaya nga po ng kasabihan: Ginagaya ng bata ang nakikita nila sa nakatatanda.

Ngunit sa panahon natin ngayon, ano po bang klase ng lipunan ang nais nating ipamana sa ating kabataan kung dahas at patayan ang kanilang nasasaksihan? Anong kinabukasan ang naghihintay sa bansa kung mga kasinungalingan at pang-aabuso sa kapangyarihan ang kinukunsinte ng mismong mga pinuno sa gobyerno? Saang direksyon patungo ang bayan kung nananaig ang kawalang katarungan?

Bilang mga indibidwal na higit na maalam at mas nakadanas na ng maraming pagsubok sa buhay, patuloy po sana nating gabayan ang ating mga kabataan at ang mga susunod pang henerasyon sa pagsusulong ng isang makatarungan at makataong bansa.

Isang makabuluhan at mapagpalayang pagdiriwang po sa ating lahat.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.