On the “Usapang Droga” of UP ALYANSA
University of the Philippines, Diliman, Quezon City
22 February 2018
Isang mapagpalayang araw sa inyong lahat.
Maraming salamat sa pagkakataong maging bahagi ng pagtitipong ito, sa pangunguna ng UP Alyansa ng mga Mag-aaral para sa Panlipunang Katwiran at Kaunlaran (UP ALYANSA).
Gustuhin ko mang personal na makapunta dito, alam niyo naman ang aking sitwasyon ngayon. Dalawang araw mula ngayon, isang taon na akong nakapiit dahil sa panggigipit ng rehimeng Duterte—sa pakikiisa ng mga kaalyado niya sa Kongreso, mga tauhan niyang sina Calida at Aguirre, at siyempre, sa pakikipagsabwatan sa mga convicted druglords.
Biruin ninyo, isang taon na, pero wala pa ring malinaw na kaso laban sa akin. Isang taon na, pero ang mismong ibinintang nila sa akin ukol sa kalakal ng droga sa Bilibid, nangyayari pa rin. Mas lumala pa nga ayon mismo sa PDEA.
Isang taon na akong nakakulong. Mahigit isa’t kalahating taon na sila sa posisyon—malayong-malayo sa 3-6 months na pangako nilang deadline sa taumbayan, pero ano bang pagbabago, o positibong pagbabago, ang natupad nila?
Ibinabahagi ko ang aking sitwasyon dahil ang isang taon ng kawalang hustisya laban sa akin ang siya ring dinadanas na kawalang hustisya ng marami pa nating kababayan. Tayong patuloy na binibiktima ng kasinungalingan, panloloko, pagyurak sa ating mga karapatan at paniniil sa ating kalayaan.
Isipin ninyo: Galit na galit daw si Duterte sa droga. Laman ng balita hanggang sa ibang mga bansa ang pagpatay sa libo-libong mahihirap na Pilipino.
Pilipino. Ama. Ina. Anak. Kapatid. Kaibigan. Mahal sa buhay. Mga pagpaslang na hindi pinatawad maski ang mga batang may exam pa kinabukasan, mga batang hindi pa nakatuntong ng elementarya, pati na ang batang nasa sinapupunan pa lang ng kanyang ina.
Pero sa kapamilyang sangkot sa bilyon-bilyong halaga ng droga galing sa China na pinalusot sa Customs, gayundin ang negosyanteng sinasabing malaking druglord na si Peter Lim, na nagawa pang papuntahin sa Malacañang, anyare na?
Nitong Martes lang, ipinagbawal nilang papasukin si Pia Ranada ng Rappler sa Malacañang, dahil kilala ang publikasyon na ito sa makatotohanan at matapang na pagbabalita. Kailan lang, idineklarang persona non grata si Senador Trillanes at si Loida Nicolas Lewis sa Davao dahil sa mga kritisismo sa administrasyong Duterte.
Pero ang China, welcome na welcome papasukin sa ating mga teritoryo para siyasatin at angkinin ang mga ito. Volunteer pa ni Duterte: gawing probinsya na ng China ang Pilipinas.
Ayaw sa mga iskolar ng bayan na magprotesta laban sa gobyerno, at nanakot pang papalitan sila ng mga Lumad. Mga kababayan, pahayag ito ng Pangulo na siya mismong nagbantang bobombahin niya ang mga paaralan ng Lumad.
Ayaw sa protesta ng pagbatikos sa mga kapalpakan at pang-aabuso ng gobyerno, pero okay lang ang pagdagsa ng supporters diumano ni Bong Go nang dumalo ito sa hearing sa Senado?
Hindi ko na pupuntahan ang pangako nilang pagbabago sa MRT. Sa lagay ngayon, wala din tayong mararating.
Sinabihan ang bansang Kuwait na igalang ang ating mga OFWs, ang ating mga kababaihan. Dapat lang. Pero siya naman itong laging binabastos ang kababaihan, sa paulit-ulit na joke ukol sa rape, at sa pag-utos sa ating mga sundalo na barilin sa ari ang mga babaeng rebelde.
Sa lahat ng ito, mapapailing ka na lang talaga. Pero ang turo naman sa atin, kapag may nakitang mali, magsalita para itama. Dahil sa pananahimik natin, isama pa ang paulit-ulit na propaganda, ang mali, nagiging tama.
Ito ang ginagawa ngayon ng rehimeng Duterte. Samantalahin ang pananahimik at pagwawalang kibo ng mga Pilipino para ipagpatuloy ang kanilang pambabastos, pagsisinungaling, pag-abuso at pagpatay. Hindi na biro ang nangyayari sa ating bayan. Hindi katanggap-tanggap sabihing: “Intindihin niyo na lang, nagbibiro lang ang Pangulo.”
Yun mismo ang punto. Pangulo ng Pilipinas ang nagsalita nito. Commander-in-Chief. Punong ehekutibo. Kinatawan ng Pilipino sa buong mundo. Hindi tambay sa kanto.
Libu-libo na ang namatay. Libu-libo pa ang pwedeng mapatay. Ipinakulong na ang isang inosente. Kinakasuhan na rin ang mga kritiko. Ginigipit ang media. Ano pa ang hindi nila kayang gawin sa karaniwang Pilipino?
Inaagaw na sa atin ang ating teritoryo—at lilinawin ko lang, soberanya at hindi lang siomai, ang kinukuha sa atin. Sa kagustuhan pang manatili sa kapangyarihan, itinutulak na rin ang pagpapalit ng anyo ng gobyerno.
At kapag hindi na naman kayang sagutin ang lahat ng kapalpakan nila at ang mga isyu ng katiwaliang kinasasangkutan nila, haharap na itong si Duterte sa publiko, magdadrama, at sasabihing: “My God, I hate drugs.”
Sa lahat ng ito, mananahimik na lang ba tayo?
Tatlumpu’t dalawang taon na ang nakalipas mula nang magkaisa at magtipon ang milyon-milyong Pilipino sa lansangan. Iba-iba man ang pinanggalingan, bata man o matanda, binuklod ng iisang adhika para ipahayag sa harap ng mga baril at naglalakihang tangke: “Tama Na, Sobra Na.”
Sa nagbabadyang diktadurya, ipaglaban natin ang demokrasya. Sa pang-aapi sa Pilipino, sa pagyurak sa ating mga karapatan, hindi lang iisang tao, kundi ang sambayanang Pilipino mismo ang dapat na tumindig, magkaisa at makibaka.
Ang hamon at panawagan sa atin, lalo na sa mga kabataang tulad ninyo na nasa posisyon para gamitin ang social media: labanan ang fake news at imulat ang ating mga kababayan sa katotohanan.
Ang laban ng EDSA ay nagbukal para sa kinabukasan ninyong kabataan. Ituloy natin ito. Isabuhay natin ito. Ipaglaban natin ito para sa kalayaan at karapatan ng inyong henerasyon, at ng mga susunod pang salinlahi ng Pilipino.
Maraming salamat po.