Sa totoo lang medyo nakakasawa na rin talagang batikusin ang mga alagad ng gobyerno na katulad ni DENR USEC Benny Antiporda at MMDA ASEC Celine Pialago. Sa mga taon bago 01 B.D. (Before Duterte), sadyang hindi pinapansin ang mga taong katulad nila at ang kanilang mga opinyon. Ito ay dahil lubos tayong naniniwala noon sa kasabihang ang pumatol sa baliw o sa mangmang ay mas masahol pa sa kanila.
Sadya rin na sa disenteng lipunan na pinipilit nating itaguyod noon bago ang pagdating ng panahon ng kabastusan at kawalan ng puso na dala ni Duterte, pwedeng ipaubaya nalang kay Lord ang mga ganitong klaseng tao. Hindi na natin sila pinapatulan pa. Ang sinasabi natin noon ay sayang lang ang ating panahon at enerhiya sa pagpatol sa mga katulad nila.
Ngunit sa panahon ngayon na namamayagpag sa entablado ng lipunan ang ganitong klaseng mga tao, hindi natin maiwasan na sila ay batikusin at tuligsain, hindi dahil mas masahol pa tayo sa kanila, kung hindi ayaw nating gawin nilang pangkaraniwan ang ganitong kabastusan at kawalan ng puso sa ating lipunan. Ito ay ang tinatawag nating “normalization of deviant behavior” na hindi pwedeng bigyan ng puwang sa sibilisado at matalinong diskurso ukol sa mga isyu na hinaharap ng bayan.
Ang kaakibat ng “normalization” na ito ay ang “anti-intellectualism”, o ang pagsasawalang-halaga kung hindi man pagbanat sa matalino, propesyonal, at ekspertong pagtugon sa mga usaping pambansa. Isang manipestasyon nito ay ang pagluklok sa mga taong katulad ni Antiporda at Pialago sa mga pwesto na wala namang kinalaman sa kanilang mga work experience.
Nandyan si Antiporda sa isang posisyon sa DENR na kailangan ng siyentipikong karanasan, ngunit sa halip ay binabatikos pa niya ang mga dalubhasa sa agham ng UP. Si Pialago naman ay journalism ang karera, ngunit umaastang may alam sa mga usapin ng “urban planning and development”, at nangahas pang makisawsaw sa usapin ng terorismo, national security, law and order, at social justice, sa kanyang pahayag na ginawa raw drama serye ang sinapit ng isang inang naulila sa kanyang sanggol na anak.
Kamangha-mangha ang pagka-bilib ng mga ganitong klaseng tao sa kanilang mga ignoranteng pananaw. Napakatapang ng kanilang pagsambit at pagbandera sa kanilang mga lumpeng opinyon at paniniwala. Hindi bale sana kung mga ordinaryo lamang silang mga mamamayan na gustong magpahayag ng opinyon, maging ito ay bunga man ng kamangmangan o hindi.
Ngunit hindi sila mga ordinaryong mamamayan. Sila ay mga opisyales ng gobyerno na nasa entablado ng pamamahala. Pinapakinggan ang kanilang mga pahayag. At ang kanilang mga pahayag, katulad ng mga talumpati ni Duterte, ang humuhulma at nagbibigay hugis sa kasalukuyang pag-iisip, paniniwala, at mga pananaw ng mga masa, lalo na ng ating mga kabataan.
Hindi natin puwedeng palampasin ang adhikain nila na tanggalan ng katalinuhan at moralidad ang ating bayan. Hindi natin puwedeng hayaan na mapalitan ang ating pag-aaruga at pagkalinga sa ating kababayan nang karahasan at kamangmangan. Ito ang dahilan kung bakit tayo lumalaban, anupaman ang gawin nilang panggigipit sa atin. Hindi tayo papayag na tanggalan nila tayo ng dangal at pagkatao.
Kaya ako ay tuwang-tuwa sa mga batikos na pinaabot ng mga netizens kay Antiporda at Pialago. Nakita ko na marami pa ring mga Pilipino ang disente at lumalaban sa baluktot na mga pag-iisip. May pag-asa pa rin ang ating bayan, at hindi masasayang ang lahat ng ating mga ipinaglalaban. ###
(Access the handwritten version of Dispatch from Crame No. 949, here: https://issuu.com/senatorleilam.delima/docs/dispatch_949)