Dear Reina,
Ako si Leila de Lima, Senador, ina, anak. Paano nga ba sinisimulan ang isang liham para sa isang 23 anyos na kapwa bilanggong pulitikal na nawalan ng pinakamamahal na supling?
Truth is, I don’t know. I am lost for words. Puwede ko sanang sabihin sa iyo na ramdam ko ang hirap na pinagdaraanan mo dahil ako ay halos apat na taon nang nakapiit sa mga gawa-gawa ring kaso na ibinibintang sa akin. Nawalay sa maysakit na ina, at sa mga mahal na anak, apo at kapatid. Ngunit nangingimi ako, Reina.
Because what right do I have to say that I know your pain? Or the ordeal of every mother out there who lost a child to the monsters that are draining our country of its blood?
I can only cry in anger, especially when I saw photos of your mother begging on her knees for the police to allow a proper burial for her grandchild. Gusto kitang yakapin nang mahigpit, sabihan na hindi ka nag-iisa, ramdam kita. Pero paano? Sapat na ba na sabihin na kung nagawa nila sa isang Senador ang panggigipit, ano pa sa ordinaryong mamamayan?
Nag-aalangan ako na sabihin na pareho tayo ng pinagdadaanan, bagama’t sa iisang kamay ng halimaw nanggagaling ang ating paghihirap. Sa edad mong 23 anyos ay lubos mo nang niyakap ang paglilingkod sa bayang api, sa kabila ng hirap at pasakit na dulot nito sa’yo. Ako na senador at abogada, nagsisimula pa lamang humalaw ng mga aral mula sa pakikibaka ng ordinaryong mamamayan. I am learning and embracing life’s greatest lessons from the struggles of the people outside these prison walls. You, on the other hand, have learned with them, and, amidst their struggles, you breathe and live.
Hindi ko na rin kailangang sabihin sa iyo na magpakatatag ka, dahil hindi birong tatag ang mayroon ang isang inang inulila na kayang humarap sa mundo nang taas-noo at taas-kamao. Ako ang kailangang kumuha ng tatag mula sa iyo. Aaminin ko, Reina, na may mga pagkakataon na pinanghihinaan ako ng loob lalo na kapag mag-isa na lang ako at pilit na tinatanaw ang dulo ng mga paghihirap nating ito. Ngunit naaalala ko lagi na sa labas ng ating mga piitan ay may mga kapwa tao tayong namamatay dahil sa pagsasabi ng katotohanan, o dahil sa pagiging mahirap lamang. Ano ang karapatan kong sumuko?
At katulad ng mga liham ng pakikidalamhati, puwede ko ring sabihin sa’yo Reina, na malalagpasan rin natin ito. Ngunit hindi dapat. Hindi ito pagsubok. Alam nating pareho na ang pang-aapi, pang-aabuso at pananamantala ay hindi simpleng nilalagpasan. Hindi simpleng iniinda lamang.
Ito’y nilalabanan. Ito’y nilulupig.
Hindi rin ito simpleng liham ng pakikidalamhati.
Mapapagod tayo, Reina, pero hindi susuko kailanman. At katulad nga ng aking laging sinasabi, our oppressors may give it their best try, but they can never defeat or strip us of our dignity. Hindi nila tayo magagapi. Hindi nila tayo mapapatahimik.
Mananatiling nakaukit sa aking kamalayan ang larawan mo na nakataas-kamao sa tabi ni Baby River. Patuloy kong panghahawakan ang sinabi mo sa kanyang libing: “Lalaya ako nang mas matatag. Lalaya kami nang mas matatag. Hindi tayo nag-iisa, panandalian yung pagdadalamhati natin pero babangon tayo.”
Oo, lalaya tayo, Reina.
Para sa isang malaya at makatarungang bukas…
Sumasaiyo,
Sen. Leila
Access the handwritten copy of Sen. Leila M. de Lima’s open letter to Reina Nacino here: https://issuu.com/senatorleilam.delima/docs/dispatch_no._946