Dispatch from Crame No. 852: Manipesto ni Sen. Leila M. de Lima Para sa People’s Initiative

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Sabi ni Duterte napabagsak na raw niya ang oligarkiya ng mga Lopez nang walang martial law.

Inanunsyo rin ng gobyerno na magba-bahay-bahay ang kapulisan para dalhin sa quarantine centers ang mga COVID positive.

Mga kababayan, kaya pa ba? Kaya pa ba ang kabalbalan ni Duterte?

Isang diktador lamang ang magyayabang na nakapagsara siya ng isang news network nang walang martial law. Iyan ang puno’t dulo ng pagyayabang ni Duterte, na nagawa niyang maging diktador nang hindi nagdedeklara ng martial law.

Dahil ganyan na nga ang lagay natin ngayon, kung ang pangulo ay nakakapagpasara ng lehitimong news network at ang kapulisan ay maaring kunin ka mula sa iyong sariling pamamahay at kaladkarin ka papunta sa mga COVID quarantine facilities. Wala nang duda na hindi na pinapairal ang ating Saligang Batas, at si Duterte at kanyang mga heneral ang namamayagpag sa lugar ng ating Konstitusyon.

Paano tayo napunta dito? Mula nang pinayagan natin si Duterte at kapulisan na pumatay nang walang paglilitis, nag-umpisa na ang pagbulusok natin sa kawalan ng batas, demokrasya, at mga karapatan.

Kaya mula noon ay sunod-sunod na ang pagyurak sa ating Saligang Batas: ang magpakulong ng inosente, ang magpatalsik ng Punong Mahistrado, ang magpatahimik sa oposisyon, ang magnakaw sa kaban ng bayan, ang isuko ang ating soberanya at teritoryo sa dayuhan, ang magpasara ng mga lehitimong negosyo, at marami pang iba.

Nagawa na ni Duterte na hubugin ang ating bansa at lipunan sa imahe ng komunistang Tsina, nang wala man lang pagpapalit o pag-amyenda sa Saligang Batas. Kamangha-mangha nga naman ang ganitong pagtagumpay ni Duterte, sa kabila ng mga institusyon at batas na inilatag natin mula noong 1986 na dapat prumotekta sa mga Pilipino sa muling pag-angat ng isa na namang diktador.

Pero nangyari lang ito dahil pinayagan natin. Ganyan talaga ang mangyayari kapag ating sinuko ang ating mga karapatan kapalit ng pangakong katahimikan at kaunlaran. Pero katahimikan at kaunlaran para kanino? Para kay Duterte at sa kanyang mga bagong oligarkiya na magpapasasa sa kanilang inagaw at mga nanakawin pa na mga negosyo, habang wala ring tigil ang kanilang pangungulimbat sa kaban ng bayan sa gitna ng COVID-19 crisis at sa kabila ng naghihirap na sambayanan.

May COVID na nga, wala na ngang mga trabaho, wala na ngang makain, isasara pa ang isang negosyo para madagdagan ang mga walang trabaho at makain, dahil “trip” lang ni Duterte na pabagsakin kuno ang oligarkiya.

Malinaw na ginagago na lang tayo ni Duterte kasama ng kanyang mga alipores na pinagpipistahan na parang mga pating ang pagkahirap ng ating kalagayan sa gitna ng COVID. Ang tanong ay patuloy lang ba tayong magpapa-gago sa mga walang konsensya at mga walang dangal na mga nakaupo ngayon sa pwesto? Lahat na lang ba ng pambubusabos at pang-aapi ay ating lulunukin?

Hindi po.

Maaari tayong lumaban. Puwede tayong kumilos. Kaya nating magpakita ng tapang.

Suportahan po natin at ikampanya ang pagkilos sa ilalim ng Saligang Batas na muling pabuksan ang ABS-CBN sa pamamagitan ng isang People’s Initiative. Ito po ang gamitin nating paraan ng pagkilos para ipakita sa gobyernong Duterte na TAMA NA! SOBRA NA! PALITAN NA!

Kung noong panahon ni Marcos ay nag-snap election para mapatalsik ang diktador, gamitin natin ngayon ang People’s Initiative sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN para ipakita ang ating pagkawala ng kumpiyansa kay Duterte at sa kanyang administrasyon.

Gawin po nating boses natin ang People’s Initiative, hindi lamang para sa ABS-CBN, sa mga Lopez, sa mga manggagawa at pamilya nila, at sa mga Kapamilya.

Gawin po natin ito para sa ating mga karapatan, para sa kalayaan, para sa ating kinabukasan. Gawin po natin ito para sa ating Inang Bayan.

(Access the handwritten copy of Dispatch from Crame No. 852 here: https://issuu.com/senatorleilam.delima/docs/dispatch_no._852)

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.