Last April 30, I filed my Separate Dissenting Report on the Dengvaxia probe by the Senate Blue Ribbon Committee. The Committee Report recommended to file graft charges against former President Benigno S. Aquino III and former Health Secretary Janette Garin, among others, for being liable for the purchase of P3.5 billion worth of dengue vaccines.
Hindi ko pa rin lubos maisip: Paano nasikmurang irekomenda ng Komite, sa pangunguna ni Sen. Richard Gordon, na magsampa ng kasong katiwalian gayong matapos ang pitong (7) pagdinig sa Senado, napatunayan na walang sinuman ang tumanggap ng suhol o kumita sa implementasyon ng bakuna. Wala ring naiharap ni isang testigo para akusahan si PNoy, o si dating Sec. Garin at iba pang opisyal na nakinabang daw dito.
It appears that the Committee’s recommendation was solely based on the ‘self-fulfilling prophecy’ of its Chair, Sen. Gordon. Yung teorya niya sa simula pa lang, na ginamit ang nasabing bakuna para raw sa eleksyon noong 2016, yun na lang ang itinuring niyang tama habang, at hanggang matapos ang imbestigasyon.
Pero malinaw naman sa naging mga testimonya na 2010 pa lang, nagsimula na ang paghahanap ng bakuna para tugunan ang lumalalang epidemya ng dengue. Tuloy-tuloy din ang naging pagsiyasat ukol dito mula noon para malaman kung maaari na ba itong gamitin. Batay din ang implementasyon nito sa mga siyentipikong pag-aaral at aprubado pa ng mga eksperto sa mga panahong iyon. Kaya naman maituturing na isang malisyosong akusasyon ang katiwalian, lalo pa’t wala namang malinaw at matibay na ebidensyang nailatag ukol dito.
Ang paggamit sa isyu ukol sa Dengvaxia para lang sa politika, ang pagmamarunong at pagmamanipula ng ilan para kumalat ang espekulasyon na isang lason ang bakunang ito, ay malinaw na walang ibinungang mabuti. Dahil sa fake news na naman, maraming magulang ang natakot na pabakunahan ang kanilang mga anak. Hysteria and panaronia are being peddled by these irresponsible politicians and fake public servants.
Magulang din ako, at isa ring guro na walang ibang nais kundi ang kaligtasan at maayos na kalusugan ng ating mga anak at mag-aaral. Isantabi na sana ang politika. Isantabi na ang personal na agenda. Isipin na lang natin na lalo lamang kakalat ang mga sakit kung mismong mga libreng bakuna ay iniiwasan ng mga bata at magulang.
Ang nais lang din natin: Kung gaanong nagbuhos ng panahon ang mga pinuno natin sa pag-iimbestiga sa ganitong isyu na may kaugnayan diumano sa pagkamatay ng mga bata, ganito rin sana tayo maging kapursigido sa pagpapanagot sa nasa likod ng pagpaslang sa libu-libong mahihirap na Pilipino—kasama na rin ang mga inosenteng bata—sa ilalim ng gobyernong ito na aminadong walang pakialam sa halaga ng buhay, dignidad at karapatang-pantao. Ganito rin sana kasigasig ang paghahanap ng katotohanan at katarungan sa mga tunay, dumadami at lumalalang isyu ng bayan. ###