Lubos po akong nagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong upang maging matagumpay ang “Buwan ni Leila” o ang paggunita sa ika-isang taon ng aking di-makatarungang pagkakulong.
Nakaabot po sa akin ang ingay at lakas ng panawagang isinisigaw ng mga pagtitipong kasama ang Free Leila Movement (FLM) at iba pang mga grupo, sektor at mga indibidwal na sumuporta.
Labis po akong natuwa sapagkat pinatunayan nitong marami at dumarami pa ang mga naniniwalang ako ay inosente at biktima lamang ng mapanupil na rehimeng Duterte.
Natitiyak ko pong nababalisa na ang gobyernong ito sapagkat nararamdaman na nila ang pagtutol ng sambayanan sa ginagawa nilang pagbaluktot sa katotohanan, mga demokratikong proseso at hustisya para makontrol ang kapangyarihan.
Ngunit mahaba pa po ang laban at mabigat ang hamong hinaharap natin. Kailangan natin ang dobleng sipag upang maimulat ang kaisipan ng ating mga kababayang dahil na rin sa kahirapan ay nainip at natukso sa mga kasinungalingan ng isang nangangarap maging diktador, at diktador na nga ngayon.
Maaaring nagtatanong kayo kung kelan matatapos ang kadilimang ito, hindi ko rin po alam. Ngunit matibay ang aking paniniwalang kailanman, hindi maaaring magtagumpay ang kasinungalingan laban sa katotohanan.
Tuloy po ang laban! Muli, marami pong salamat sa inyong lahat. Mahal ko po kayo. ###