Dispatch from Crame No. 172: Sen. Leila M. de Lima’s statement on the Duterte administration’s alleged openness to an independent probe into its drug war

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Bistadong-bistado ang mag-among Duterte at Cayetano sa kanilang mga gimik sa mga opisyal ng UN at US.

Mahigit-higit isang linggo na nang sinabi ni Duterte na iimbitahan daw nya ang UN Human Rights Council (UNHRC) na maglagay ng satellite office dito sa Pilipinas at ipapasama raw niya sa mga anti-drug operations ng pulis ang mga kawani ng UNHRC.

Malinaw na publicity stunt ito upang unahan ang nakaambang paglampaso sa kanyang administrasyon sa nakatakdang UN General Assembly noong Setyembre 22 kung saan inayawan nito ang ilang mga rekomendasyon sa Universal Periodic Review (UPR) kagaya ng pagsagawa ng imbestigasyon sa mga patayan ng UN Special Rapporteur on EJK.

Nabalita naman kahapon na si Cayetano ay binola si US Secretary of State Rex Tillerson sa kanilang pagpupulong na handa raw ang gobyerno sa isang imbestigasyon sa drug war basta ito’y isasagawa ng mga patas na eksperto. Ang buladas na ito ay malinaw na pansagot sa lumalaking opinyong kritikal kay Duterte sa Amerika at pagmasahe na rin kay Trump at Tillerson na baka umalagwa sa gagawing Southeast Asian Summit sa Nobyemre dito sa Pilipinas.

At sinasabi pa ni Cayetano na aabot na raw sa 7 milyon ang bilang ng mga adik sa ating bansa! Pagpapalabis nila ito sa katotohanan para ipangatwiran ang kathang isip nila na narco-state daw ang Pilipinas.

G. Duterte at G. Cayetano: Sino bang niloloko nyo? Kasi siguradong hindi ang sambayanang Pilipino at ang marami nang namumulat sa mundo. Malinaw sa SWS survey na madami na at dumadami pa ang mga kababayan nating naniniwalang sadyang pinapatay ang mga hinuhuli sa anti-drug operations kuno. At mula sa iba’t ibang sulok ng mundo ay dumadagsa ang mga pagkondena sa mga patayang dulot ng nakakarimarim na gyera raw kontra-droga.

Kung totoo at sinsero kayo G. Duterte at G. Cayetano: huwag nang magsayang ng oras at papuntahin na si Dr. Callamard dito na gaya ng matagal ko nang resolusyon sa Senado noon pang Setyembre 2016. At magtayo na ng tunay at independenteng komisyon na mag-iimbestiga sa mga patayan gaya ng aking mungkahi sa aking Dissenting Report sa Senado noon pang Disyembre 2016.

Kaya G. Duterte at G. Cayetano, tigilan nyo na ang buladas at palabas nyo sa usapin ng pagpapaimbestiga sa mga patayan at pagsagawa ng inyong gyera laban sa droga. Nasusukol na nga kayo ay nagagawa nyo pang mambola at manloko.

Ito ang gawin nyo: Ipatigil ang mga patayan. Ipag-utos nyo na magkaroon ng agaran at tunay na mga imbestigasyon at pag-uusig sa mga kaso ng EJKs.

Matapos nito, mag resign kayo.

#WorldisWatching

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.