Dispatch from Crame No. 165: Statement on the Launching of “Tindig Pilipinas” and on the upcoming Protests on the 45th Anniversary of the Declaration of Martial Law

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Sa pagpatay sa mahihirap, kabataan at iba pang walang kalaban-laban, habang pinoprotektahan ang mga sangkot na mayayaman, kaalyado at kamag-anak sa ilegal na droga, sa walang habas na panggigipit at pag-alipusta sa mga kritiko at kababaihan, sa patuloy na pagbalewala sa halaga ng buhay at karapatang pantao, malinaw na ibinabalik tayo ng rehimeng Duterte sa madilim na kabanata ng ating kasaysayan.

Makalipas ang apatnapu’t limang taon ng pagdeklara ng Batas Militar ni Marcos, nagbabadya na naman ang panunumbalik nito sa buong Pilipinas, sa ilalim ng mala-diktador ding pamumuno ni Duterte. Lalo pang lumalakas ang loob niyang gawin ang gusto niyang mangyari dahil sa pagkunsinte ng mga kaalyado niya sa kanyang kabaliwan at hayagang pag-uutos ng mga patayan.

Panahon na para lalo pang palakasin ang ating tinig at manindigan para sa dignidad ng Pilipino at demokrasya sa Pilipinas.

Nananawagan ako sa ating mga kababayan na makiisa at makibahagi sa paglulunsad ng “Tindig Pilipinas” bukas, Setyembre 18 sa Club Filipino sa ganap na alas-10 ng umaga. Sa paggunita naman ng anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar sa ika-21 ng Setyembre, magkakaroon ng Misa sa UP Diliman ng alas-2 ng hapon sa pangunguna ng Commission on Human Rights (CHR) at “Tindig Pilipinas”. Sa ganap na alas-4 ng hapon, magsasagawa naman ng isang pagtitipon sa Rizal Park o Luneta sa pangunguna ng Movement Against Tyranny (MAT).

Sama-sama po nating ihayag ang ating pagtutol sa mapaniil na gobyerno, at manindigan upang itigil na ang dahas at kabuktutan sa ating lipunan.

Patuloy tayong magmatyag at manindigan para protektahan ang ating mga karapatan, ang sistema ng katarungan, at ang demokrasya. Gumising na tayo sa bangungot na dala ng rehimeng Duterte, at kapit-bisig na tanglawan ng liwanag ang madilim na yugto ng ating bayan. ###

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.