Dispatch from Crame No. 137: Sen. Leila M. de Lima’s Statement on the Killing of 17-year-old student Kian Lloyd de los Santos of Caloocan City

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Ilang araw pa lang akong nanunungkulan bilang Senador, naghain na ako ng resolusyon para imbestigahan ang nangyayaring mga patayan sa ating bayan sa ilalim ng sinasabing Giyera kontra Droga. Nasa mahigit 300 katao na ang naiulat na pinaslang noong Hulyo 2016.

Nagpatong-patong pa ang natagpuang bangkay sa lansangan. Kinabitan ng cardboard. Binalutan ng packaging tape. Nasikmura pa ng ilan na purihin ang madugong kampanya. Kasing-safe na raw tayo ng Singapore.

Pero matapos lang ang tatlong pagdinig sa Senado, tinanggal na ako ng karamihan sa aking mga kasamahan bilang Chairman ng Committee on Justice and Human Rights na tumatalakay sa Extrajudicial Killings. At kahit may mga testigo pa ang Commission on Human Rights noon, agad ding tinapos ang EJK hearing ng pumalit sa akin.

Ngayon, lumobo na sa mahigit 12,000 katao ang pinatay at tinaniman ng ebidensya. Ngayon, kasama na sa mga biktima ang 17-taong gulang na si Kian Loyd delos Santos. Kabilang na siya sa mga nanlaban daw; sa mahihirap na pinatay nang walang kalaban-laban, habang ang mga tunay na druglord at malapit sa Pangulo ay hinahanapan muna ng dokumento.

Nakikiramay po ako sa pamilya ni Kian. Nakalulungkot isipin, na ang kanyang inang nagpapakahirap magtrabaho bilang OFW para sa kinabukasan ng anak ay dinatnang wala nang buhay si Kian pag-uwi sa Pilipinas.

Bago pa si Kian, marami nang bata ang pinaslang ng War on Drugs—ang 7-taong gulang na si Saniño Butucan, 5-taong gulang na sina Danica May Garcia at Francisco Manosca, at 4-taong gulang na si Althea Fhem Barbon.

Marami nang bata ang nadamay. Libu-libo na ang napatay. Di na mabilang na pamilya ang naulila at nagdadalamhati. At heto si Duterte, umaamin na hindi kayang solusyunan ang ilegal na droga sa bansa sa loob ng 3-6 na buwan na kanyang ipinangako. Mahirap talagang unawain ang pag-iisip ng mamamatay-tao na Pangulo.

Nakikiisa po ako sa panawagan para sa hustisya sa pagkamatay ni Kian, kasama na ang iba pang biktima ng “War on Drugs.” Dalangin kong lalo pang lumakas ang panawagan para tutulan ang madugong kampanya laban sa droga, lalong lalo na ang kabaliwan ng isang pinunong hayok sa patayan.

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.