Dispatch from Crame No. 135: Sen. Leila M. de Lima’s Statement on PNP’s “One Time Big Time Operations” resulting to 81 deaths in 4 days

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

32 sa Bulacan. 25 sa Maynila. 24 sa Camanava. Iyan po ang bilang ng mga naiulat na patayan sa loob ng apat na araw sa Kamaynilaan. Hindi pa kasama dito ang mga pinatay sa mga probinsya at mga liblib na lugar, ang mga di-natagpuang bangkay na marahil itinapon sa ilog o itinago sa mga ospital.

Mahigit 81 buhay sa apat na araw. Ganito ang pagmasaker sa lipunan ni Duterte at ng mga berdugong handang pumatay ayon sa utos ng Pangulo. Ganito ka-adik sa pagpatay si Duterte na pinuri pa ang pagpatay sa 32 tao kada araw.

Kabilang sa mga pinaslang ang Grade 11 at 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos. Nanlaban daw si Kian. Nagpaputok ng baril kaya tinuluyan. Pero ang nakita sa CCTV camera, kinaladkad muna ang bata ng mga pulis bago paslangin.

Ang lungkot sa pagkamatay ng mga gaya ni Kian ay natatabunan ng panghihinayang sa kanyang buhay, at ng galit kung bakit hinahayaan lang ang ganitong karumal-dumal na mga pagpatay. Isa lang si Kian sa mahigit 12,000 Pilipinong pinatay ng palyadong War on Drugs. Malinaw: Mula nang naging Pangulo si Duterte, lalong lumakas ang loob at lumago ang negosyo ng mga mamamatay tayo.

Sa “One Time Big Time” na operasyon ng kapulisan, tila naging pakyawan ang bayad sa mga berdugo. Parang may kompetisyon sa mga istasyon ng kapulisan: Kung sinong pinakamaraming pinatay sa magdamag, may naghihintay na parangal sa Malacañang.

Sukdulan na ang kademonyohan ng mga nasa likod ng patayan. Kung mananahimik lang tayo, lalo na ang mga nasa gobyerno, patong-patong na bangkay pa ang matatagpuan, na lalong magpapatibay sa pundasyon ng trono ni Duterte bilang hari ng mga berdugo.

Tama ka, Duterte. Hindi ka habambuhay na Pangulo. Kung di ka man managot sa batas ng tao, mananagot ka sa batas ng Diyos. Tatatak sa kasaysayan ang termino mo bilang termino ng isang Pangulong sinapian ng diyablo, na ang gobyerno’y walang konsensyang pumapatay ng kapwa Pilipino.

STOP THE KILLINGS NOW! ###

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.