Ano ang itinuturo natin sa kabataan kung ang ating mga pinuno ay walang pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng tao? Ano ang itinuturo natin sa kanila kung ang solusyon sa problema ng lipunan ay dahas at panggigipit sa mga nagsusulong ng demokrasya?
Ito po ang mga tanong na bumabagabag sa aking isipan. Kaya naman talagang nagpapagaan ng loob at nakatutuwang mabalitaan ang pakikilahok ng maraming kabataan sa ginaganap na “YOUTH SONA” ngayon sa St. Scholastica’s College-Manila. Ipinahayag nila ang pagkondena sa karumaldumal na mga patayan at pagyurak sa karapatang pantao ng kasalukuyang gobyerno.
Isa po sa nanguna dito si Shibby, 13 taong gulang. Noong nakaraang taon po ay nagkaroon ng pagkakataong makausap ko siya sa isang programa ng kanilang paaralan. Doon pa lang, pinahanga na ako ng gaya niya, na kahit sa murang edad pa lang ay kasama na nating naninindigan para sa tama at makatarungan.
Binabasag ng mga kabataang ito ang ating katahimikan sa baluktot na pamamalakad; sa mga kasinungalingang ipinakakalat ng fake news para siraan ang mga kritiko ng gobyerno at ilihis tayo sa tunay na mga isyu, at sa patuloy na patayan dulot ng madugong kampanya laban sa droga at ng kaguluhan sa Mindanao.
Magsilbing paalala sana ang tinig na ito ng ating kabataan, ng ating mga anak, upang gisingin ang marami pa nating kababayan sa katotohanan. Sobra na ang panlilinlang, itigil na ang patayan, at simulan nang tuparin ang tunay na pagbabagong ating inaasam.