Ginoong Pangulo, alam nating ibinoto ka ng marami nating kababayan dahil sa pangako mong tapusin ang salot ng droga sa lipunan. Ang sabi mo pa nga, in 3 to 6 months, masosolusyunan mo na ito.
Makalipas ang isang taon, nasaan na tayo? Nagresulta lang ang inyong “War on Drugs” sa pagpatay at patuloy na pagpatay ng libu-libong Pilipino—karamihan ay mga maralitang walang kalaban-laban, kabilang ang mga inosenteng bata.
Itigil na ninyo ang mga patayan! Maaaring magpatuloy ang kampanya laban sa droga nang walang EJK at pag-abuso sa karapatang pantao. Ang tugisin ninyo, sa pamamaraan na sang-ayon sa batas, ay yung mga tunay at malalaking drug lords at drug dealers at ang mga protektor nila sa pamahalaan, kapulisan at militar.
Hanggang kailan ba ninyo gugustuhing dumanak ang dugo sa ating bayan?
Hanggang kailan ninyo ipagkakait ang katarungan sa mga pamilyang biktima ng walang habas na pagpatay?
Hanggang kailan kayo magbubulag-bulagan sa iba pang suliranin ng bansa—sa mataas na presyo ng bilihin, sa mababang pasahod, sa kawalan ng sapat na kabuhayan?
Hanggang kailan ninyo ikukulong ang katotohanan? Hanggang kailan ninyo itatago ang tunay ninyong kalagayan?
May hangganan ang lahat, Ginoong Pangulo.