Pinakita sa akin ng staff ko yung Posts ni Raffy Lerma tungkol sa dalawang kinse anyos ang pinatay sa Tondo nitong nakaraan. Lamog ang katawan sa tortyur, binalot sa packaging tape at itinapon sa Manila Bay. Ang isa sa mga biktima inukitan pa ng smiley ang katawan. Kasuklam-suklam na krimen!
Hindi simpleng mamamatay-tao ang makakagawa ng ganito. Kampon ng demonyo at ng mga umuudyok na pumatay sa ngalan ng 3 to 6 months ang ganitong pamamaslang. This is a crime that cries out to heaven for justice!
Ang mga biktimang sina Chormel Buenaflor at Carl Justine Bonogan ay hindi nasangkot sa droga ayon sa ulat. Pero pinatay sila sa paraan kung paano pinatay ang marami sa biktima ng war on drugs. Nakakapanggigil sa galit na ang mga menor de edad ay nagiging biktima na rin ngayon ng vigilante-style killing!
Ngunit kanino tayo tatakbo para sa hustisya kung mismong kapulisan ang bumubuo ng mga death squads, at ang DOJ ang nagbibigay daan sa talamak na patayan dahil wala silang inuusig sa mga death squad na pulis? Saan nga ba! Parang hinagpis ni Sisa ang dinadaanan ng ating Inang Bayan sa ilalim ng berdugong Duterte.
Hindi dapat umabot sa ganito na kahit ang pagpatay sa mga bata ay pikitmata na lang na tinatanggap na parang karaniwang krimen. Matindi na ang kawalang hustisya kung kahit sa mga bata ay ginagawa ang ganitong kahayupan. Ngunit matagal na natin inabot ang pagkahalimaw na ito, mula pa noong walang awang binaril si Kian sa basurahan. Marami pang bata ang kikitilin ng buhay bago matapos ang pagdaan ng Demonyo sa ating lupaing Pilipinas.
(Access the handwritten copy, here: https://issuu.com/senatorleilam…/docs/dispatchno1033_1_)