Puwede bang tigil-tigilan na yang Charter Change na yan?! Andaming problema ng ating bansa, inuuna pa yan.
Unang-una, magastos yan. Bilyon-bilyong piso ang gagastusin para pag-aralan, isulong sa Kongreso, at magsagawa ng plebisito para amyendahan ang ating Konstitusyon. Sino ang magbabayad niyan, sila ba?!
Pangalawa, paano nila nasisiguro na gaganda ang ekonomiya natin pag na-amyendahan ang Konstitusyon? Kahit anong ayos ang gawin nila sa Konstitusyon natin, pag corrupt pa rin ang gobyerno, mabagal ang serbisyo, at sandamakmak ang walang habas na patayan, patuloy pa rin na babagsak ang ating ekonomiya.
Tanungin muna nila ang sarili nila. Ano ba ang nagawa nila para ayusin ang ekonomiya at gobyerno natin?! Hindi ba nitong mga nakaraang taon ay lalong lumala ang korapsyon habang lalong nababaon sa utang ang ating bansa? May nagawa ba sila para mabawi yung 15 bilyong pisong ninakaw sa PhilHealth? Meron bang nakulong man lang?
Ngayon, gusto nila amyendahan ang Konstitusyon para ipagbili ang bansa natin. Sino ang nagbabayad sa kanila para gawin ito? Parang may mga dayuhan na kating-kati bilhin ang lupa na para sa mga Filipino. Bakit natin sila pagbibigyan e marami namang nakahandang mag-invest sa Pilipinas kahit hindi ipagbili sa kanila ang lupa na gagamitin?
Simple lang ang kailangan ng mga investor. Alisin ang korapsyon. Itigil ang mga human rights violation. Ayusin ang pamamalakad ng gobyerno. Trabaho yan ng Pangulo at ng kaniyang administrasyon. Bakit tayo ang mag-aadjust? Bakit tayo ang magbabayad? Bakit ang bayan natin ang ibebenta dahil sa kapabayaan nila?
Pangatlo, alam natin na paraan rin ito ni Duterte at kanyang mga kampon na siguraduhin na sa kanila pa rin babagsak ang kapangyarihan sa 2022. Hindi pa sapat sa kanila na hawak nila ang makinarya ng eleksyon, ang COMELEC, at ang pera ng gobyerno. Kailangan pa talaga nilang kalikutin ang Saligang Batas para lang manatili sa puwesto kundiman si Duterte ay ang kanyang mapipiling magiging tuta ng China.
Pang-apat, isang malaking pagkakamali na pakialaman ang sistema ng Party-List para lang matanggal sa Kongreso ang mga iilang Party-List na nakapwesto ngayon. Aamyendahan daw nila ang Konstitusyon para mapaalis ang mga maka-kaliwang mga grupo tulad ng Makabayan bloc.
Noong huling ginawa ito ng gobyerno sa panahon ng mga Huk, na tinanggal sa Kongreso ang mga kinatawan ng Partido Komunista ng Pilipinas, bumalik sa bundok at marahas na pakikibaka ang kilusang rebolusyonaryo. Dahil hindi binigyan ng puwang ang mga ito para lumahok sa mapayapang pakikilahok sa gobyerno, napilitan uli silang bumalik sa armadong labanan.
Imbes na hikayatin ang marami pa na ibaba na lang ang armas at lumahok sa Party-List, lalo pa nilang itutulak papunta sa yakap ng mga armado ang mga iilang sumusubok na isulong ang agenda ng pagbabago sa tahimik, mapayapa at legal na paraan.
Panghuli, walang limitasyon ang Cha-Cha. Hindi nila pwedeng sabihin na para sa ekonomiya o sa pag eche pwera sa mga Makabayan party-list lang ang gagawing Cha-Cha. Kapag nag-umpisa yan, pwede na nilang palitan lahat ng gusto nilang palitan. Sigurado ako na yan ang mangyayari.
Itigil na yang Cha-Cha na yan! Bakuna hindi Cha-Cha!
(Access the handwritten version, here: https://issuu.com/senatorleilam.delima/docs/dispatch_1012)