De Lima, kinondena ang panggigipit at diskriminasyon laban sa mga health workers

Share:

Share on facebook
Facebook
Share on twitter
Twitter

Mariing tinuligsa ni Sen. Leila M. de Lima ang mga panggigipit at karahasan laban sa mga health workers na nangunguna sa pagtugon sa krisis dulot ng COVID-19.

Sa kanyang sulat-kamay na pahayag mula sa Custodial Center, Camp Crame, ibinahagi ni De Lima ang kanyang pasasalamat at pag-aalala sa mga frontliners.

“Araw-araw sinusuong ng ating mga health workers ang nakakatakot at delikadong laban kontra COVID-19. Umaalis sila sa kani-kanilang mga bahay na walang kasiguraduhan kung makababalik silang ligtas. Ni hindi mayakap ang pamilya sa kanilang pag-uwi kung kailan mas kailangan rin sana nila ng kalinga matapos ang buong araw na pakikipagbakbakan sa delubyong ito,” wika ni De Lima.

“Ngunit sa kabila nito, nakagigimbal isipin na nagagawa pa ng iba sa atin na saktan at kutyain ang ating mga health workers,” dagdag ng Senadora.

Partikular na tinukoy ni De Lima ang ilang insidente ng diskriminasyon laban sa mga health workers na umiikot ngayon sa social media. Kabilang dito ang naiulat sa Sultan Kudarat na pagkuyog ng limang lalaki sa isang empleyado, na sinabuyan ng bleach sa mukha matapos malamang staff ito sa ospital kung saan may namatay na Patient Under Investigation (PUI).

Bukod dito, sinabuyan din ng chlorine ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang isang nurse sa Cebu. Ang iba naman ay tinatanggihan umanong pakainin sa karinderia, iniiwasang pasakayin sa pampublikong transportasyon, pinaaalis sa tinutuluyang bahay, habang mayroon ding pinagmulta pa sa checkpoint.

Ani De Lima, “dasal, hindi dahas, ang kailangan ng ating mga health workers.”

 “Hindi health workers ang kalaban natin, kundi ang COVID-19 at ang sistemang tila bulag sa tunay na pangangailangan ng ating mga healthcare frontliners,” giit ng mambabatas.

Matatandaan na sa national address ni Ginoong Duterte nitong maghahatinggabi ng Lunes, sinabi niyang maswerte daw ang mga pumanaw na frontliners dahil namatay sila para sa bayan.

“Napakamalas po natin at nagkaroon tayo ng Presidenteng ganyan mag-isip. Hindi maswerte ang mga pumanaw sa paglaban sa COVID-19, lalo na’t nailigtas sana sila kung hindi lang naging makupad ang mga dapat nagbigay sa kanila ng agarang proteksyon at suporta,” sagot ni De Lima. (30)

Office of Senator Leila de Lima
Rm. 502 & 16 (New Wing 5/F) GSIS Bldg., Financial Center, Diokno Blvd., Pasay City

Trunk Lines:
(632) 552-6601 to 70 local no. 5750

Direct Lines:
807-8489 / (Rm. 16) 807-8580 /local 8619

senleilamdelima@gmail.com

© 2019 Office of Sen. Leila de Lima. All rights reserved.