Ipinagtanggol ni Sen. Leila M. de Lima si Atty. Chel Diokno matapos itong alipustahin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huli niyang press briefing ukol sa COVID-19 nitong Biyernes, Abril 3.
Sa inilabas na pahayag ng Senadora, inilarawan niya si Duterte bilang isang bangag na walang saysay at puro kabalbalan na naman ang pinagsasabi sa harap ng taumbayang nangangamba sa pagkagutom at pagkakasakit.
“Imbes na trabahuhin ang pagtugon sa COVID-19, ang inaatupag ng bangag sa Malacañang ay yung ngipin ng ibang tao. Nakabuti ba sa sitwasyon ng mga Pilipino ang pag-alipusta nya kay Chel Diokno?” giit ni De Lima.
“Kaysa atupagin ang nagugutom at nangangambang sambayanan, at tulungan ang mga doktor at frontliners, nagsasayang ng panahon ang gobyernong ito sa walang kabuluhang presscon,” dagdag niya.
Sabi pa ng mambabatas, ang hinihintay ng lahat ay ang malinaw na direksyon at agarang aksyon mula sa administrasyon, hindi ang pagsikil sa malayang pamamahayag at pananakot sa mga nagtatanggol sa mga karapatang pantao.
Si Diokno ay isang beteranong human rights lawyer at kasalukuyang chairman ng Free Legal Assistance Group (FLAG), isang organisasyon ng mga batikang abogado at tagapagtanggol ng karapatang pantao na layuning protektahan ang mga maralita mula sa pag-abuso at paglapastangan sa kanilang dignidad at kalayaan.
Kamakailan, isiniwalat ni Diokno na bukod kay Mayor Vico Sotto, ipinatatawag din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ordinaryong mamamayan na nagpo-post online ng kanilang hinaing at kritisismo sa gobyerno sa paglaban sa COVID-19.
Ayon kay De Lima, ang impormasyong ito mula kay Diokno ang siya na ngang ikinababahala niya ukol sa probisyong nakasaad sa Sec. 6 (f) ng Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act na naisabatas noong Marso 24.
“Isang problematikong probisyon ito sa Bayanihan Law na puwedeng abusuhin para supilin ang malayang pamamahayag at gipitin ang mga kritiko,” ani De Lima.
Nitong mga nakalipas na araw, dahil na rin sa bagal ng pagdating ng ayuda at tila kawalan ng malinaw na plano ng gobyerno sa pagtugon sa krisis, makailang ulit at naging top trending pa sa social media ang hashtag na #OustDuterteNow.
“Kaysa manlait ng hitsura ng iba, tingnan nga ni Duterte ang sarili sa salamin. Sa harap ng krisis na ito, puwede ba, tigilan na nya ang kabalbalan!” saad ni De Lima. (30)